Salin sa Tagalog ni Mixkaela Villalon
Basahin ang orihinal na bersyon sa Inges dito.
Hinahandog ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ang mailkling animated na pelikulang “Ang Bata at ang Butete sa Bayan ng Hiling.” Ang proyektong ito ay binuo ng UrbanisMO.ph at ng Young Public Servants sa tulong ng Chevening Alumni Fund at ng National Democratic Institute.
Magsisimula ang pelikula sa tabing-dagat ng isang urbanisadong komunidad, at umiikot ito sa isang tanong: paano kung kaya nating tugunan ang mga batayang pangangailangan ng ating mga lungsod? Mabilis magalit ang mga Pilipino sa tuwing pinipintasan ng mga dayo ang bayan natin, tulad noong tinawag ang Maynila na “katakot-takot at baligho” o kaya “bukana ng impyerno.” Ngunit hindi naman natin naitatama ang mga sakit ng ating syudad. Pero paano kung, sa tulong ng mahika, mabago natin ang takbo ng buhay sa ating pinaka-urbanisadong mga komunidad?
Sinusundan ng pelikula ang buhay ng isang batang babae mula sa taong 2021. Tutulungan niyang palayain ang isang mahiwagang butete (o blowfish sa Ingles) na nabuhol sa pirasong plastik na basura. Bilang gantimpala, tutuparin ng butete ang mga hiling ng bata na paunlarin ang kanilang komunidad.
Masasabing kathang-isip lamang ang pelikulang ito, pero may mahalagang silbi ang mga kuwentong pambata at kwentong bayan sa lipunan. Ang unang hakbang sa anumang tangka ng pagbabago o reporma ay nagsisimula sa isipan ng mga tao. Mula sa kathang-isip, natutulungan tayong maunawaan na posible ang lipunang mas makatao.
1. Mga Aralin mula sa Pandemiko: Ang Pagkakathang-isip ng post-covid na Lungsod
Ngayong Enero 2021, lumampas na sa 100 milyon ang kaso ng COVID-19, at higit 2 milyon na ang namamatay mula rito sa buong mundo. Pinatitingkad din nitong krisis ang iba’t ibang uri ng panganib, kaya napipilitan ang lahat na isiping mabuti kung ano ang dapat pahalagahan para sa personal at kolektibong kaligtasan. Ayon sa isang briefing ng Oxfam, dekada ang bibilangin ng ilang bilyong mahihirap para makabawi mula sa pinansyal na pinsala na dulot ng pandemiko.
Sa kabilang banda, nadagdagan ng mahigit 540 bilyon USD ang yaman ng top ten na bilyonaryo sa buong mundo-- lagpas pa sa kabuoang ginastos ng mauunlad na bansa bilang tugon sa Coronavirus.
Sa Pilipinas kung saan tinatayang sa taong 2023 pa mababakunahan ang karamihan sa 109 milyon nitong populasyon, at dama ng pinakamahihirap na komunidad ang malubhang epekto ng krisis, mahalagang suriin mabuti ang mga nakasanayang paraan ng pagpapatakbo ng lungsod upang matiyak ang ating kolektibong kaligtasan.
Sa Metro Manila na mayroong mahigit 13 milyon na residente, at kung saan matatagpuan ang tatlong pinakamataong lugar sa mundo (ang lungsod ng Maynila, Pateros, at Mandaluyong ay mayroong hanggang 46,000 na tao sa bawat square meter), matutunghayan ang pakinabang at perwisyo ng paninirahan sa lungsod. Dito matatagpuan ang mga hotspot ng sakit, at dito rin pinakamarami ang mga trabaho, esensyal na serbisyo, at mga ospital.
Lumilikha ang Metro Manila ng 36% ng gross domestic output ng buong bansa. Sa kabila ng pagsusumikap na palakasin ang Metro Cebu at Metro Davao, ang Metro Manila pa rin ang pangunahing lagusan ng Pilipinas patungo sa buong mundo. Dahil umano kailangan mabawasan ang mga tao sa Metro Manila, sinubukan ng “Balik Probinsya” program na himukin ang mga tao na umuwi sa kanilang mga probinsya. Sa katunayan, dahil sa pagtigil ng mga negosyo at ng pampublikong transportasyon, nagkaroon ng libu-libong “locally stranded individuals” (LSI) na kinailangang lumisan ng Maynila nang mawala ang arawan nilang trabaho at di na sila makapagbayad ng kanilang renta. Maraming napilitang matulog sa kalsada o sa mga jeepney na hindi na namamasada; may namatay habang naghihintay sa footbridge. Nang pinayagan na ang mga LSI na makauwi, naging sanhi naman ito ng lalong pagkalat ng COVID-19 sa ibang mga rehiyon.
Lalo nitong napatitingkad ang hindi pantay na distribusyon mga mga oportunidad at kakayahang kumita sa pagitan ng mga lungsod at rehiyon--bagay na labis na nararamdaman sa bawat bayan, barangay, at komunidad.
Sa panahon ng COVID-19, lalong umiigting ang problema ng kakulangan sa kalidad at abot-kayang mga pabahay. Ang ating mga lungsod ay kulang sa pabahay, at lalong salat sa maaliwalas na pampublikong mga espasyo. Kasalukuyang kinakaharap ng Pilipinas ang 6.5 milyon na housing backlog, at hindi pa kasama sa bilang na ito ang mga tahanang nasira ng mga sakuna tulad ng bagyo, lindol, o demolisyon. Marami sa mga suliranin na lumala sa panahon ng pandemiko-- katulad ng nagtataasang presyo ng mga bilihin, kawalan ng mga trabaho, at kakulangan sa batayang serbisyong pangkalusugan, pati ng pagbabakuna-- ay nakadepende sa mga polisiya na kaugnay sa lupa at transportasyon.
Mula nang pinatigil ang pasada ng mga pampublikong sasakyan, tanging mga may kotse ang nakabiyahe patungo sa kanilang mga trabaho. 12% lamang ng lahat ng mga pamamahay sa Metro Manila ang may sariling sasakyan. Ang karamihan naman sa mga commuter ay na-stranded, habang napipilitang mamalimos ang mga tsuper na nawalan ng hanapbuhay. Dagdag pa rito ay ang panganib na dala ng kalikasan. Sa huling bahagi ng 2020, walong bagyo ang dumaan sa Pilipinas, at halos ubos na ang disaster funds ng mga lokal na pamahalaan.
2. Pagpapatakbo ng lungsod nang may partisipasyon ng mga mamamayan
Hindi maiiwasang malungkot o magalit sa harap ng mga pagsubok ng “new normal”-- lalo na at maaaring ganito ang magiging takbo ng ating mga buhay sa susunod na dalawa o tatlong pang taon. Pero ayon sa manunulat na si Arundhati Roy, ang pandemiko ay isang portal. Isa itong lagusan mula sa lumang mundo patungo sa hinaharap, at pinipilit tayo nitong lumikha ng panibagong mga sistema at paraan ng pamumuhay.
Seguridad sa Pagkain. Minsan maaaninag ang hulma ng mas makataong lungsod sa Pilipinas mula sa ilang mga inisyatibo ng mga mamamayan at organisasyon na kusang-palong kumilos para harapin ang pagsubok ng pandemiko. Pinamalas nila ang lakas at sigla ng mga mamamayan sa oras na makawala sa tanikala ng pansariling interes. Ilang grupo tulad ng Lingap Maralita, Save San Roque Alliance, ang Bayanihan Musikahan Initiative (kung saan ilang kilalang mga musikero sa pamumuno ng Pambansang Alagad ng Sining na si Ryan Cayabyab ay nagkaroon ng ilang online fundraising concert), at kahit na mga K-pop fandom ay nagtulong-tulong para matiyak na may makakain ang kanilang mga komunidad.
Tumulong din sila sa pagbebenta ng mga produkto ng mga magsasaka na muntik nang mabulok dahil sa pagsasara ng mga kalsada. Nang mawalan ng kabuhayan ang mga tsuper ng jeepney at lumipat ang mga paaralan sa online classes, nagsama-sama ang mga mag-aaral at opisyal ng isang unibersidad para kumalap ng pera at mabigyan ang mga tsuper ng ibang oportunidad maghanapbuhay. Sa Maynila naman, halos 400 na mga taong walang tirahan ang pinatira sa St. Arnold Janssen Kalinga Center para makaiwas sila sa sakit.
Kakayahan at karapatang makagalaw para sa lahat. Sa ngayon, lumuwag na ang lockdown sa Maynila, pero hindi pa rin lubos na nakababawi ang sektor ng pampublikong transportasyon. Marami sa mga frontliner ang napilitang maglakad o kaya bumili ng mga biskileta para makabalik sila sa kanilang mga trabaho. Ilang mga grupo tulad ng Life Cycles PH ang sumuporta sa ganitong pagbabago sa mga kalsada at nagbigay pa ng ilang libong biskileta sa mga frontliner, mas lalo na sa mga nagtatrabaho sa hospital. Isa pang grupo, ang Bikers United Marshalls/Movement na nagmumungkahi ng sustainable na pamumuhay, ay nagbigay ng tulong sa mga kalsada. Nagtayo rin sila ng mga pop-up bike lane para sa kaligtasan ng mga bike-commuter. Sa isang survey ng Social Weather Stations noong November 2020, 87% ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat bigyan ng pamahalaan ng atensyon ang pampublikong transportasyon, mga pedestrian, at iba pang di-motor na sasakyan tulad ng mga bisikleta kaysa sa mga pribadong sasakyan.
Dahil sa katangi-tanging pagsubok nitong panahon ng pandemiko, lalong sumigla ang pagsasama-sama ng ilang mga aktibistang grupo na sumusuporta sa pag-unlad ng sistema ng transportasyon sa Pilipinas. Nagsagawa ng survey ang MNL Moves at Institute for Climate and Sustainable Cities na siyang naging basehan para sa sistema ng mga bike lane na kanilang minumungkahi. Ang #MoveAsOne, isa namang samahan ng mahigit 140 na organisasyon, ang nanawaan ng mga programang pang transportasyon. Nangako ang gobyerno na pagtitibayin mga mungkahing ito, kabilang ang pagtatayo ng mga bike lane sa Metro Manila, Metro Cebu, at Davao City, at ang pagpapakilala ng service contracting sa sektor ng pampublikong transportasyon. Ibig sabihin, mababayaran ng sapat at regularisadong sahod ang mga manggagawang pantransportasyon sa halip nang nakabase ang kanilang kinikita sa dami ng pamasaheng makokolekta bawat araw. Ang Altmobility PH, na matagal nang nananawagan ng Magna Carta para sa mga Commuter, ay nakipagtulungan din sa mga grupo at lokal na pamahalaan ng Metro Cebu para paunlarin ang kanilang pinaplanong sistema ng mga bike lane sa kanilang lunsod.
Malayang agham at akses sa impormasyon. Dahil sa tawag ng pangangailangan at panahon, mayroong ilang pagtatangkang gawing malaya ang akses sa siyensya at agham. Ilang mga akademiko at researcher sa larangan ng pampublikong kalusugan (tulad ng UP Resillience Institute) ang lumikha ng mga COVID-19 dashboard, na naglalabas ng mga ulat at pagpapaliwanag sa social media kada linggo. Patuloy na kumakalap naman ng impormasyon ang De La Salle University tungkol sa best practices ng bawal lokal na pamahalaan at iba pang mga research tungkol sa pandemiko na nilalabas nila sa isang web portal. Samantala, tinututukan ng Citizens Budget Tracker at ng Institute for Leadership, Empowerment, and Democracy ang paggalaw ng pambansang budget at ng Bayanihan fund. Tinutulungan nila ang mga aktibista, mga gumagawa ng polisiya, at mga mamamayan na isulong ang usapin ng mobilidad, serbisyong panlipunan, at kalusugan sa pagpaparte ng budget. Nagbibigay rin ng libreng counselling ang mga organisasyon sa Mental Health para sa mga taong nawalan ng mahal sa buhay dahil sa pandemiko, o kaya nahihirapan gagapin ang epekto ng kalungkutang dala ng lockdown, at kawalan ng trabaho.
Habang abala ang mga siyentipiko sa pag-unawa ng COVID-19 upang makalikha ng bakuna, kailangan ding mapaunlad ang pagtugon natin sa ating mga isyung pangkalusugan. Kailangan ng information campaign na tama at up-to-date. Dahil sa magulong pag-uulat ng iba’t ibang impormasyon sa social media at tensyon sa usapin ng kalayaan sa pamamahayag, ilang grupo ng ordinaryong mamamayan ang lumikha ng simple at mauunawaang Frequently Asked Questions (FAQs) para makapag-abot ng impormasyon sa mas malawak na publiko, at mabigyan ang mga tao ng gabay sa kanilang kaligtasan at sa kaligtasan ng kanilang mga pamilya.
Lumikha ang organisasyong Healthcare Professionals Alliance against COVID-19 (HPAAC) ng APAT Dapat Campaign, kung saan hinihimok nila ang mga mamamayan na magkaroon ng (A) Air Circulation- siguraduhing mayroon lagusan ng hangin upang matiyak ang pag-ikot nito, (P) Physical Distancing- pagkakaroon ng sapat na espasyo sa pagitan ng mga tao, (A) Always Wear Mask and Face Shield Properly- tiyaking maayos ang pagsuot ng face mask at face shield, at (T) Thirty Minutes- limitahan sa trenta minutos ang pakikisalamuha sa ibang tao upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Nagsumikap din ang mga boluntaryo mula sa Language Warriors PH, na pinangungunahan ng mga akademiko mula sa UP Department of Linguistics, para isinalin ang mga palatandaang ng APAT Dapat sa iba’t ibang wikang Filipino upang lalong maunawaan ng mas malawak na publiko. Karamihan sa mga proyektong ito ay nasa social media, pero mahalagang maitawid ang impormasyon kahit offline upang maabot ang mga tao na limitado ang akses sa internet. Ilang halimbawa rito ay ang pakikipagtulungan ng Dinagat Islands at ilang podcast (PodKas, Usapang Econ, and PumaPodcast) para maipadala ang mahahalagang impormasyon sa mga radyo sa probinsya.
READ MORE PCIJ STORIES:
The Bulacan town where chickens are slaughtered and the river is dead
Combating Covid-19 leads PH-China bilateral agenda but West PH Sea concerns grow
PH priority groups: 35 million Filipinos who will get the coronavirus vaccines first
Philippine mines continue unhampered 4 years after Gina's shutdown order
Primer: 20 questions on the Anti-Terrorism Act of 2020
3. Buhay ang Nakataya sa Pamahalaang Panlungsod na mabilis tumugon sa ating pangangailangan
Ayon sa pagsusuri sa mga bansa sa buong mundo, lumalabas na mas maganda ang pamamalakad ng mga pamahalaang bukas sa pakikipagtulungan at transparent sa kanilang mga operasyon, lalo na sa usapin ng pandemiko. Kaya naman nakasalalay sa mga mayor o kapitan ng barangay ang buhay ng kanilang mga mamamayan. Napakahalaga ng papel ng pagiging handa ng mga lokal na pamahalaan.
Sa Pasig, Valenzuela, at Antipolo, nakikipagtulungan ang tatlong lungsod na ito upang upang mapakalas at mapag-isa ang kanilang contact tracing. Sinusuportahan naman ng mga probinsyal na pamahalaan ng Lanao del Sur at Basilan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang kanilang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang mga produkto para punan ang mga relief food pack distribution. Sa Iligan City at Zamboanga, nagtayo sila ng maraming talipapa sa unang bahagi ng lockdown para hindi na kailangan lumayo ng mga residente.
Maging ang mga negosyo ay kailangan umayon sa tawag ng panahon. Kailangan nilang magbago ng mga operasyon patungo sa mas sustainable at lokal na mga value chain. Kailangan nilang binigyan ng prioridad ang mga manggagawa at customer na naninirahan malapit sa kanilang mga negosyo. Sa ganitong paraan, mapoprotektahan nila ang kanilang mga hanapbuhay.
Sa kabila nito, hindi pa rin sasapat ang mangilan-ngilang proyekto ng mga mamamayan para makabangon. Mula sa pondo ng lokal na pamahalaan (4.05 trilyong piso sa 2021) o hanggang sa pondong bigay ng mga international na organisasyon (umabot na sa 652 bilyong piso sa Disyembre 2020), hindi kayang tapatan sa laki ng pondo at kakayahan ng pamahalaang pambansa.
Sa ibang mga bansa, patuloy ang pagtaguyod ng post-pandemic na mga lungsod. Isinusulong ng mayor ng Paris na si Anne Hidalgo ang “ville du quart d’heure” o labinlimang minutong syudad, na kahalintulad ng bente-minutong mga komunidad sa Portland at Melbourne. Hindi ito bago. May mga lungsod na nauna na sa ganitong plano, tulad ng mga superblock ng Barcelona, o nine-block car free zone, o kaya ang ginawa ng lungsod ng Hamburg kung saan bawal ang mga kotse. Binabalik ng mga syudad na ito ang lungsod sa mga tao, sa halip na gawing sentro ng urban design ang mga kotse.
Sa ngayon, wala pa ring katiyakan ang ‘Green New Deal’ ng US. Layunin nitong pahinain ang pagsandig ng ekonomiya ng Amerika sa fossil fuel sa taong 2030, at magkaroon ng mga reporma sa larangan ng imprastruktura, trabaho, edukasyon, manufacturing, at transportasyon. Ngunit hindi na maikakaila na kailangan ng mga tao ng akses sa malinis na hangin, tubig, at espasyo. Napakahalagang bigyan ng prioridad ang mga ligtas na trabaho at edukasyon para sa lahat. Hindi kagulat-gulat na magiging bahagi ng mga plano ng maraming mauunlad na bansa, lalo na ng mga nasa European Union, ang mga proyektong tulad ng ‘Green Deals’ para makabangon sa pananalanta ng pandemiko.
Inihalintulad pa nga ng mayor ng London na si Saandiq Khan ang gastusing kailangan para sa lubos na pagbangon mula sa COVID sa reconstruction ng kanilang lungsod pagkatapos ng giyera: bagay na kaya lamang pahintulutan sa antas ng pamahalaang pambansa. Dito makikita na ang anumang gawin ng mga lokal na pamahalaan para tugunan ang pangangailangang pangkalusugan at pangkabuhayan ng mga mamamayan ay magkakaroon lang ng tunay na epekto kapag sinuportahan ito ng pamahalaang pambansa na nagbibigay halaga sa mga pangangailangan ng mga lokal na komunidad.
4. Mga Lungsod sa Kabila ng COVID?
Ang COVID-19 ay simula pa lamang ng bagong mga suliranin na darating sa ating mga lungsod. Sa umpisa ng pandemiko, tinawag itong “simpleng problemang pangkalusugan” at di nagtagal naging “problema ng pagpapatupad ng disipina.” Pero kung isaaalang-alang ang climate change at iba pang mga banta ng sakuna, kailangan nating maunawaan na nakasalalay ang kolektibo nating kaligtasan sa iba’t ibang magkakaugnay na larangan. Walang iisang solusyon sa lahat ng problemang ito. Kailangan lamang ng malawak na plano at bukas na uri ng pamamahala para matugunan ang mga isyung panlipunan.
Ang layunin ng pagpaplano at ng pampublikong polisiya ay para maitama ang mga kakulangan ng sistema ng ekonomiya. Ang pagpaplano kung sinu-sino ang mga dapat makatanggap ng batayang mga serbisyo, kailan, at paano nila ito matatanggap ay dapat nakasalalay sa tunay na interes at pangangailangan ng komunidad. Ngunit sa panahong ito kung kailan halos sunod-sunod ang mga sakuna, hindi na maaaring iiwan lamang ang pagpaplano ng polisiyang panlungsod sa kamay ng mga eksperto at pulitiko. Lahat ng tao na naninirahan sa lungsod ay may karapatan na hubugin ang mga espasyong kanilang tinitirahan, kahit pa ano ang antas nila sa buhay.
Ang pandemiko ay oportunidad para isakathang-isip ang bagong hugis ng mga lungsod sa Pilipinas, mga lungsod kung saan mga tao mismo ang pangunahing prioridad. Pero para mangyari ito, kailangan muna nating kilalanin na lipas na ang lumang sistema ng trickle-down at cut-and-paste na mga modelo ng pagpaplano panlungsod.
Sa simula ng mga lockdown sa 2020, nagpakalbo ang Egyptian activist na si Mona Eltahawy bilang protesta sa “new normal.” Aniya, hindi katanggap-tanggap ang mga kondisyon ng lipunan kung saan lalong kumakalat ang mga sakit at nagdurusa ang mga tao. “Fuck normal,” sabi ni Eltahawy. “Wala tayong babalikang “normal” pagkatapos ng pandemya. Walang normal sa lumang sistema.” Dahil wala tayong masasandigang mahiwagang butete, marahil ang hiling ng paglika ng espasyo para magsama-sama ang lahat ng tao ang pinakamahirap matupad.
“Ang Bata at ang Butete sa Bayan ng Hiling (The Girl and the Magic Blowfish in the City of Wishes)”
Writer: Mixkaela Villalon
Animation by: Janina Malinis
Produced by: Ica Fernandez
Voice Actors: Amihan Ruiz and Jayme Ancla, Jr
Sound design and scoring: Jayme Ancla, Jr
Presented by UrbanisMO.ph and Young Public Servants with support from British Embassy Manila, Chevening Alumni Fund, National Democratic Institute and the Philippine Center for Investigative Journalism
— PCIJ