Mabagal ang hustisya para kina Marites Asis at Barbara Ruth Angeles.

Si Marites ang nanay ni Reina Mae “Ina” Nasino, lider ng urban poor na dinakip ng mga pulis noong Nobyembre 2019. Nalaman ni Ina na nagdadalang-tao siya, ilang linggo bago siya ilipat sa Manila City Jail. Isinilang ni Ina si baby River sa unang araw nitong Hulyo, ngunit sila’y pinaghiwalay matapos ang isang buwan.

Lubos ang pag-aalala ni Marites hindi lang sa kalagayan ng anak kundi para na rin sa kalusugan ng kanyang apo na nakadepende sa formula milk at donasyon galing milk bank. Tatlong buwan matapos isilang si River, nagkaroon ito ng pulmonya at kinailangang isugod sa Philippine General Hospital. Pumanaw ang sanggol ika-9 ng Oktubre. Nagalit ang publiko matapos pagkaitan si Ina na makasamang muli si River habang nag-aagaw buhay ito sa ospital. Binigyan lamang si Ina ng anim na oras para makadalo sa burol at mailibing ng maluwalhati ang anak.

Halos pareho ang pinagdaraanan ng pintor na si Barbara Ruth Angeles. Ilang buwan na niyang hindi nakikita ang kanyang bunsong anak na si Inno. Inaresto si Inno ng pulis noong Mayo 2018 sa Lungsod Quezon dahil sa umano’y pagbebenta ng droga. At nitong Agosto, panibagong dagok ang kinaharap ni Barbara nang mamatay ang ate ni Inno.

Hindi man lang nakapagpaalam si Inno sa kanyang ate.

Hindi pa lubos na nakakapagluksa si Barbara Ruth mula nang pumanaw ang panganay na anak. Abala siyang naghahanap-buhay kasabay ng paghahanap ng hustisya para kay Inno. At kailangan din niyang alagaan ang apong babae na naiwan ng anak.

Maaaring sa unang tingin, malayang namumuhay sina Marites at Barbara. Ngunit bilanggo sila ng kalungkutan at hustisya lamang ang makakapagpalaya sa kanila.

Ito ang kanilang istorya.

Marites Asis, iginuhit ni Alexandra Paredes.

Mabigat ang kamay ng hustisya para kay Reina Mae Nasino at baby River

Ni Marites Asis (salaysay kay Aie Balagtas See)

Noong nagkaroon ng Covid, para akong binagsakan ng langit. Kasabay noon, nalaman ko na buntis si Ina.

Kahit sinong mag-interview sa akin hindi ko mapigilang umiyak. Hanggang sa gabi, umiiyak ako. Para akong lokaret.

February, bago siya dalhin sa jail, nalaman namin 19 weeks and six days na ‘yong tiyan niya. Kaya noong nag-lockdown, lalo akong nabahala. Kailangan ng distancing syempre. Distancing, distancing. E siksikan sila doon, umaabot sila ng 111 sa isang dorm.

Parang delikado na nagbuntis siya nang may Covid, may tendency na mahawa po.

Natutulog ako nang may pumunta sa akin. Mag-a-alas-singko ng umaga (Nob. 5, 2019). Sabi nahuli nga raw po. Nandoon daw sa CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) sa Manila Police District (MPD).

Sa madaling salita, tinakbo ko ‘yong CIDG Manila bandang alas-singko ng umaga.

Sa ate ko pa lang nag-iiyak na ako. Pumunta ako kay Ate Lucy, siya ‘yong nag-alaga sa aming lahat pati sa mga anak namin. Siya rin ang nagpalaki kay Ina.

Sabi ng ate ko puntahan sa MPD. Pero hindi pa rin kami nagkita. Kasi parang pinagbibintangan siya ng pulis, kung sila ba talaga may-ari ng baril.

Galit na galit ako. 

Tinaniman sila. Kilala ko anak ko. Tinaniman sila. Tinaniman ng granada, tinaniman ng baril. Tinakpan ‘yong mukha ng unan. Sino ba namang matinong gagawa niyan sa kabataan?

Masakit na makita ko ang anak ko na nakakulong. Masakit sa akin ‘yan.

Hindi ka makalabas dahil sa Covid. Sa bahay ka lang para kang hilong talilong.

Dati araw-araw ako bumibisita sa anak ko. Walang palya. Lunes lang ako hindi pumupunta kasi walang dalaw.

Napakahirap ng pinagdadaanan ko noong nagkaroon ng Covid lockdown kasi iniisip ko kung nakakakain pa ba ang anak ko. Makakakain ba siya nang maayos?  Sa pagligo niya, lahat ba sila sama-sama? Parang naawa ako sa anak ko.

Hindi kami nagkikita nang dahil sa Covid, lalo na noong buntis siya. Kaya doble-doble ang sakit.

Sabi niya baka pwede na ulit bumisita ngayong Oktubre.

Mahirap po talaga. Mahirap na mahirap. Hindi ako nakakatulog sa gabi. Iniisip ko ang anak ko.

Noong malaki na ang tiyan niya, natutuwa kami nag vi-video siya. Pero guilty na guilty ako, syempre ‘di ko maalagaan ang anak ko.

July 10 ang schedule niya na manganganak pero July 1 nanganak na siya. 

Hindi ko nakita ni anino niya. Noong nanganak siya hindi kami nagkita. Nalaman na lang namin.

Mga hatinggabi ‘yon. Tulog na ako. Tumawag ‘yong jail. Ang sabi: “Nay, punta na kayo doon sa Fabella Hospital kasi manganganak na si Ina.” Kaya takbo na naman ako ng maaga doon. Pumunta ulit ako kay Ate Vicky. Tapos pumunta kami ng Fabella para masamahan si Ina sa panganganak niya. 

Pero bawal daw pumasok dahil may Covid. Hindi pwede ang dalaw. At saka tapos na raw manganak si Ina. 

Bumalik kami ng July 3. Tinanong ko ‘yong gwardiya, sabi, “Nandyan pa, nandyan pa.”

Bawal daw bumisita. Nagtanong ako sa gwardiya, nagdala pa ako ng tubig at diaper. Iniwan na lang namin sa kanila, sabi namin ibigay sa anak ko.

Habang pauwi kami, mga tanghali iyon, tumawag si Ina kay Ate Vicky. Iyak daw nang iyak ‘yong baby kasi walang gatas na lumalabas sa kanya. Gutom na ‘yung bata.

Nagulat kami kasi akala namin nasa ospital pa. Sabi niya a-dos ng gabi (Hulyo 2), binalik na sila ng city jail.

Nalaman na lang namin binalik na sa city jail. E, ‘di panibagong sakit sa amin.

Para akong ginawang tanga!

Pumunta muna kami ng city jail. Pero sabi sa amin nabigyan na daw ng formula milk.

Sumugod kami sa ospital. Binawi ko talaga ‘yung diaper at tubig. Bakit ‘di namin babawiin, e amin ‘yan. 

Ayaw pa nilang ibalik. Pati sa information center nagreklamo kami.

Huling pagkikita namin ni Ina noong binigay niya ang baby (Agosto 13).

Binigay lang niya talaga. Malayo ang distansya namin. Dapat nga po hindi namin makikita. Nakiusap ako sa warden na matanaw ko lang ang anak ko. Iyon na ang huli.

Ano ba damdamin ko? Masakit na masakit. Nakita ko na naghihirap ang anak ko. 

Ramdam ko na ayaw na muna nilang maghiwalay ng anak niya. Kung ano nararamdaman ko sa kanya, iyon ang nararamdaman niya sa anak niya.

Ang sakit-sakit sa amin na gano’n siya pinalibutan. 

Hindi pa naman convicted ang anak ko. Hindi ko alam bakit gano’n. Ang ramdam ko, nasaktan ako bilang ina ni Reina Mae. Hindi ko alam paano i-explain ba. 

Okay lang naman ‘yong naka PPE (personal protective equipment) kasi papasok siya ulit sa loob. Pero ‘yong ganon, nakaposas? Parang hindi burol.

Hanggang ngayon hindi ako maka-move on. ‘Pag nakikita ko ang social media posts, nililipat ko ang cellphone kasi bumabalik e. Syempre nakita ko si Ina nakaposas, nakaupo na doon, tinitingnan anak niya kasi hindi agad nakalapit.

Andiyan ‘yong pinasok kami ng mga may malalaking baril, tiningnan ‘yong banyo, tiningnan ‘yong kwarto baka daw malusutan.

Diba? Parang hindi kami nag-bonding.

Sa totoo lang noong araw na ‘yon wala na akong maiiyak e. Puro saway na lang ako. 

Pinalabas ko sila, ‘yong mga de-baril. Sabi ko lumabas kayo, ‘di kailangan ng baril dito.

Wala na akong maiiyak kasi nakita ko ang sitwasyon ng anak ko. Mahirap nang umiyak kasi galit ang naramdaman ko dahil bastos ang ginawa.

Bakit mo kailangang bantayan ang libing? Hindi naman dapat bantayan ng pulis. Nakita mo naman, Diyos ko, ang dami-dami nila. Mas marami pa sila kaysa nakipaglibing.

Tinira ko sila sa puso. Sabi ko sa kanila, alam ko naman na order ‘yan at wala kaming magagawa pero sana naisip niyo man lang na ito ay libing, maghihiwalay ang mag-ina. Sana man lang inisip nila ‘yong ganon.

Huling sinabi ni Ina sa akin noong ako ‘yong hinanap niya, tinawag niya ako, sabi, “Lagay na natin si baby sa nitso.”

Dalawang beses niya hinawakan ang kamay ko noong burol at noong libing. Sabi niya lang sa akin, “Ma, akin na ‘yong kamay mo.”

Mahigpit niya na hinawakan ‘yong kamay ko. Ang ibig sabihin noon, magpakatatag ako. Sabi ko, “Magpakatatag ka, lalaban tayo.”

Pahabol-sulat:

Medyo okay na ako. Pero syempre hindi pa basta-basta pwedeng kalimutan dahil nasa amin pa ‘yung trauma

Nagdu-duty na ako. Kahit sabihin mo pa na mahirap kalimutan, hindi gano’n kadali, okay na ako. Isipin na lang natin, ‘yong tatag talaga.

Sabi naman ni Ina hindi kawakasan ng lahat.

Gumawa ako ng legal na reklamo dahil sa nangyari sa wake ni baby at libing. Karapatan ko naman iyon, siyempre hindi iyon ang inaasahan ko, bakit nila ginawa ‘yon. Kung hindi ako magrereklamo, wala kaming katarungan. Hindi magiging aral sa kanila iyong ganyan dahil hindi naman sa lahat pu-pwede nilang gawin ‘yon.

Namatay si baby River ika-9 ng Oktubre matapos ang ilang linggong pakikipagsapalaran sa ospital. Binigyan lamang ng korte si Reina Mae ng tigatlong oras sa loob ng dalawang araw para mabisita ang anak. Ang unang araw ay para makipagburol, ang pangalawa nama’y para ilibing ang anak.

Ni hindi nadampian ng balat ng ina ang kabaong ng anak. Pinagsuot si Reina Mae ng hazmat suit dala ng banta ng Covid-19. Siya’y nilagyan ng posas at pinalibutan ng mga armadong tauhan ng gobyerno.

Ang pamilya nila ay hindi nabigyan ng pagkakataong makapag-dalamhati.

Barbara Ruth Angeles, iginuhit ni Alexandra Paredes.

Mula palit-ulo hanggang amin-laya

Ni Barbara Ruth Angeles (salaysay kay Aie Balagtas See)

Mag-plea bargain na ang anak ko. Wala na akong choice. Para makalabas na siya.

Ayaw talaga ng anak ko, pero wala na akong magagawa. Paano siya makakalabas? Amin-laya na lang ‘yan e.

Ang nagsabi rin talaga ‘yong BJMP (Bureau of Jail Management and Penology), since first offense naman ‘yong anak ko at may katibayan naman kami na hindi totoo ‘yong mga charges sa kanya.

‘Yan din ang advice ng kaibigan kong lawyer.

Worried ako, syempre, magkakaroon siya ng record. Parang convicted na ‘yon e. Wala naman siyang kasalanan.

Itong case ng anak ko two years na. Apat na beses lang ata kami nag-hearing kahit nagbigay na sila sa amin ng schedule ng hearing na sunod-sunod na buwan.

Laging reset. Laging reset. Laging reset.

Dahil hindi mapapatunayan sa korte na inosente siya, papatunayan na lang niya sa sarili niya ang pagkatao niya: na hindi totoo ‘yong inaakusa sa kanya. Papatunayan niya ‘yon sa sarili niya.

Sa akin, okay na din i-admit mo na lang, in-offer din naman sayo tapos hindi naman sila mag- o-oppose.

Mas maaalagaan ko ang anak ko kung kasama ko siya. Pwede ko sabihin sa kanya na ‘wag kang lalabas o ‘wag kang sasama sa mga tao na ‘yan.

Para matapos na lang kasi lahat tayo nagkakanda-hirap-hirap.

Hindi pa natatapos, meron pang pandemic. Ilan na ba ang infected sa BJMP? Hindi namin alam kasi hindi naman sinasabi. Ang hirap kasi sobrang congested sila roon.

Sa anak ko, kailangan kong sumugal. Nag-produce ako ng pambayad ng sarili niyang pwesto, one-fourth lang na plywood. Kinuhaan ko siya sa halagang P15,000.

Napakamahal sa loob.

Alam mo naman, ‘pag wala kang pera, magugutom ka.

Dahil walang bisita ngayon, tumatawag lang siya sa akin. Hindi daw nabibili sa labas ‘yong call card

Imagine-in mo ha, napakamahal pa ng call card doon. Ang 100 pesos ay 300 pesos. BJMP ang nagbebenta.

Hindi ko na sasabihin ang exact amount ng ginagastos ko sa kanya. Pero ang laki-laki. Sabi ko nga sa kanya, mas magastos ka pa sa akin. ‘Yong two weeks ko na budget, pang one week mo lang.

Hindi mo alam ano ang pwede mangyari. Kaya sabi ko, mag plea-bargain na lang.

Inaresto siya ng midnight ng May 3 (2018). Kasagsagan ‘yan ng quota sa drug war. ‘Di ba na-uso ‘yan? May certain amount sila na makukuha. 

Kahit mga taga BJMP alam na alam na nila iyang quota na ‘yan. Sila ang nagsabi kaya napuno ang mga kulungan dahil diyan.

Balikan mo ‘yong balita ng raid sa Galas police station dahil sa extortion. Doon lang namin nalaman na nandoon pala ang anak ko.

Sa umpisa, hindi namin alam saan siya hahanapin. Pumunta kami ng ate niya sa mga barangay at police station. Ni-report nga namin siya na missing dahil hindi namin siya ma-contact. Hindi ‘yon normal sa kanya e.

Iyak din ako nang iyak e. ‘Di ko alam anong gagawin ko. Hindi ako makatulog. Lagi kaming umiikot ng daughter ko kung saan saan-saan para hanapin siya.

Una, naisip ko baka nakuhaan ng motor tapos pinatay. Within the area, sinuyod namin pati punerarya, ospital, kasi usong-uso nang ho-hold up ng bike.

Nag-post ako sa Facebook tapos one of my [school] batchmates told me to call 8888, ni-report ko din ‘yon sa Duterte hotline, pero hindi kami natulungan.

May 4, ni-raid ‘yong SAID (Station Anti-Illegal Drugs Division) ng Galas. May tumawag sa akin na imbestigador. Sabi sa akin: “Pumunta ka rito, nandito ang anak mo. Magdala ka ng damit at pagkain.”

Nagulat nga ako. Bakit nandiyan?

Walang umintindi sa akin doon hanggang sa nag-freak out ako. Sabi ng taga-GMA [News] sa akin: “Kumuha ka na ng magaling na abogado.”

Ang abogado noong time na ‘yon P300,000 ang bayad. Syempre, private lawyer na hindi ko kilala ang kukunin e. Wala akong makuha noong time na ‘yon kaya tumagal kami ng tumagal. May makuha man kami sobrang tanda na. ‘Yong lola niyang taga-Aklan pa ata ang nakuha.

Kung saan-saan na lang kami kumukuha ng attorney dahil hindi namin alam ano ang nangyayari. Sobrang desperate kami makakuha ng abogado. Nato-torture na ‘yong utak ko. 

Hindi kami sanay dahil ngayon lang nangyari sa family namin magkaroon ng kaso.

Ang pinaka-nakakagalit dito, ni walang kaso ang anak ko sa kanila. Wala ang report na inaresto nila ang anak ko.

Nagtanong-tanong ako roon. Sabi ng mga preso at ng mga pulis dapat papatayin daw ang anak ko. 

Kasi nga ang balak nila, sabi sa akin ng mga pulis doon, e palit-ulo. Ipapalit siya doon sa mga big fish.

Sabi sa akin dapat zero-zero. Alam mo ano ‘yong zero-zero?

Ibig sabihin papatayin nila.

‘Yong anak ko tinorture na nila. I have evidence. 

Pina-medico-legal ko ang anak ko. Tapos, CT scan. Tapos, X-ray ng buong katawan. 

Lumabas sa examination, ninth and 10th rib niya putol. Left rib niya, fractured, at may crack. Tapos, may metallic forensic na nakita sa left leg niya. 

Ayaw na siyang paalisin ng doktor kasi ang daming tama tapos ‘yong ribs niya putol pa ninth and 10th. Gusto nila immediate operation. Pero wala kaming magawa kasi ayaw ng Galas police station.

Ang Galas, hindi na nila dinaan sa medical. Basta na lang nila pinasok sa Quezon City Jail na wala na kaming chance na ipagamot siya. Kahit na nandoon sa letter na for immediate ‘yong operation sa kanya. Sa kulungan na gumaling si Inno.

Kumusta na ako?

First time na meron nagtanong niyan sa akin. Actually, hindi ako okay. Pero sinusubukan kong maging matatag.

Ginawa ko ‘yong mga bagay na nakasanayan ko na pero ang kalooban ko hindi matahimik.

Namatay ang anak kong babae, habang ang isa kong anak nakakulong.

‘Yong anak kong babae siya ‘yong panganay. Siya lang sana ‘yong maasahan ko e. Siya ang nagsumikap na makakuha ng CCTV (closed-circuit television). Tiningnan niya ‘yung mga CCTV ng bawat barangay. 

Hindi ko matanggap na wala na siya. Dalawang taong hindi nagkita ang dalawang anak ko.

Nagkaron siya ng UTI (urinary tract infection). Hindi ko siya pina-confine sa ospital kasi mahina siya e, natakot ako baka mahawa siya ng virus doon.

Tatlo ‘yong naiwan niyang anak. ‘Yong panganay, wala na siyang tatay, kaya nasa akin. 

Sabi ng apo ko, wala na iyong mommy niya, paano naman daw siya pag ako nawala? Namo-mroblema na siya sa ngayon sa edad niya. Hindi na niya dapat iniisip ‘yang mga bagay na ‘yan.

Sabi ko sa kanya, ‘di pa ako kukunin ni Lord kasi may purpose pa ako rito. May obligasyon pa ako rito. Nauna mommy mo kasi iyon ang purpose ni Lord.

Hindi naman kami bibigyan ni Lord ng problema o pangyayari na hindi namin kaya. Hindi ko siya tinatanong bakit nangyayari ito.

Pinipilit ko maging matatag. Kung hindi ako magiging strong para sa anak ko, para sa apo ko, paano na sila?

Pero, napakahirap.

Pahabol-sulat:

Nagsimula na akong magpinta uli matapos ang 40 days ng anak kong babae. Mas mabuti na ang kalagayan ko ngayon. Pakiramdam ko binabantayan ako ng anak ko. 

Dati, dark ang colors na ginagamit ko. Parang patay na kulay. Positive and vibrant colors gamit ko ngayon. Parang nabuhay bigla.

Panatag na ba ako?

Hindi. Mapapanatag lang ako pag kasama ko na ang anak kong lalaki. --PCIJ, Disyembre 2020

 

Si Aie Balagtas See is ay isang freelance journalist na nagrereport sa mga isyung hinggil sa karapatang pantao. Siya ay maaaring sulatan gamit ang kanyang email (aie.bsee@gmail.com). Sundan ang kanyang Twitter account (@AieBalagtasSee).

Halaw sa Life Inside ng The Marshall Project, ang istorya nina Marites at Barbara ay bahagi ng isang serye ukol sa criminal justice system sa Pilipinas. Kasama rito ang mga sariling kwento ng mga preso o dating nakakulong at ng miyembro ng kani-kanilang pamilya.