TUKA, Philippines/MANILA – “Kailangan nating ibaon ang kaibigan mo sa ilalim ng lupa,” sabi ng isang guwardiya ng barko nina Gilbert nang mamatay ang kapwa niyang Pilipinong mangingisda noong 2018. 

Bata pa si Sam Dela Cruz, 25 anyos lang, nang inatake siya sa puso’t binawian ng buhay sa isang ospital sa Somalia. 

Nakabalot ng puting kumot ang kanyang katawan nang ibalik ito sa daungan. Kaagad kumilos ang mga Pilipinong mangingisda at tulong-tulong nilang binuhat ang mabigat niyang bangkay papasok sa freezer ng kanilang barko.

“Hinilamusan lang sa mukha si Sam,” alala ni Gilbert. “Tapos nag-iyakan na lang kami.”

Kinabukasan, dumating ang mga armadong opisyales ng Somalia at agad inilibing si Sam sa isang pampublikong sementeryo sa Bosaso. Dito nakadaong noon ang Hang Rong 355, barko ng Tsina na kanyang pinagtrabahuhan. 

Isa si Sam sa 66,000 o higit pang Pilipinong kumayod bilang migranteng mangingisda nitong nakaraang dekada, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW). Isa rin ang Pilipinas sa nangungunang bansang pinagkukunan ng mga crew ng dayuhang barko sa buong mundo. 

Sa datos ng DMW, mahigit 40% sa mga mangingisdang ito ang kinailangan i-repatriate o tulungan ng pamahalaan makauwi dahil tapos na ang kanilang kontrata o kaya’y inabuso o inabandona sila. 

‘Di sapat ang datos, ayon sa mga mananaliksik, kaya’t ‘di natin matiyak kung ilan ang nasawi sa karagatan gaya ni Sam.

Kinausap namin ang mga saksi — kabilang ang pamilya Dela Cruz — at sinuri ang mga dokumento upang imbestigahan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay at pagkalibing ni Sam.

Nakita namin sa kwento niya ang mga panganib na hinaharap ng mga migranteng mangingisdang Pilipino sa isang industriyang puno ng pang-aabuso’t kulang sa regulasyon.

Namatay si Sam noong Hulyo 18, 2018. 

Subalit hanggang ngayon, naghihintay pa rin ang kanyang mga magulang na maiuwi ang kanyang labi sa Tuka, isang tahimik at mabukid na bayan sa probinsya ng Sultan Kudarat.

“‘Di talaga ako makatulog, parang mababaliw ako,” sabi ni Roselyn, ang ina ni Sam. “Konti na lang ako kumain, ang isipan ko’y nando’n lang sa kanya.”

Lumubha ang kalusugan ni Roselyn nang mamatay si Sam. Halos maubos sa kanyang pagpapagamot ang humigit-kumulang 2 milyong pisong danyos na ibinigay ng recruitment agency bilang kompensasyon sa pagkamatay ng anak. 

Pinangarap ni Sam maging marino, kwento ni Roselyn. Nagtapos siya ng isang maritime course at bumiyahe siya papuntang Maynila noong 2017. Doon, nag-apply siya sa isang lokal na ahensya, ang GMM Global Maritime Manila, upang makapagtrabaho sa ibang bansa.  

Sa halip na posisyong marino, inalok si Sam na maging mangingisda. Karaniwang gawain ’to ng mga recruiter, ayon kay Gilbert. Sinasabi nilang ito’y tulay sa pagkakaroon ng mas mataas na sweldo sa fishing industry.

Bagong taon ng 2018 nang lumipad sina Sam at Gilbert at pito pang Pilipino patungong Singapore, kung saan nakabase ang GMH Global Maritime Holding, isang banyagang kumpanya na nag-susupply ng mga manggagawa para sa mga dayuhang barko. Pagkarating doon, agad silang ipinadala sa Han Rong 355 kasama ang mga mangingisdang Indones at Tsino.

Nang makarating ang Han Rong 355 sa Somalia noong Hunyo 2018, inireklamo ni Sam ang sakit sa kanyang tiyan at hita. Nagsimula na rin siyang maglakad nang paika-ika.

“Sabi ko, kausapin mo si kapitan na magpapa-check-up ka’,” paalala ni Gilbert noon. “Ang sabi lang sa kanya ng (Tsinong) kapitan, puro kami sign language du’n, parang mag-jogging lang,  parang kulang na raw sa exercise.” 

Sa sumunod na buwan, isinugod si Sam sa National Hospital Bosaso dahil sa tindi ng sakit na kanyang iniinda. Hindi rin nagtagal, siya’y nasawi matapos atakihin sa puso dulot ng septic shock at multiple organ failure, ayon sa tala ng ospital.

Napag-alaman namin na malusog si Sam bago sumampa sa dayuhang barko, batay sa mga sertipikasyon at medical records niya mula 2013 hanggang 2017. 

Sinikap naming kausapin ang GMH Global Maritime Holding ngunit nakasaad sa isang Singapore online directory na “burado” na ang kumpanya sa kanilang rehistro. Maaaring tumigil na ito sa kanilang operasyon o ‘di kaya’y nagpalit na ng pangalan.

Ayon sa mga dokumentong ito, namatay sii Sam Dela Cruz dahil sa cardiac arrest dulot ng “acute kidney failure” noong madaling araw ng Hulyo 28, 2018, samantalang pinatunayan ng dati niyang medical record na malusog siya. Thomson Reuters Foundation/Raizza Bello

Agarang lumipad ang pamilya Dela Cruz patungong Maynila pagkatapos ipaalam ng GMM Manila ang sinapit ng kanilang kaanak. Umasa silang pag-uusapan pa ang repatriation o pag-uwi ng kanyang labi, subalit inilibing na pala siya sa Somalia. 

Ang pangunahing relihiyon sa Somalia ay Islam at mabilis nilang inililibing ang mga yumao. Ngunit maaaring iba ang mga dahilan sa madaliang paglibing kay Sam na isang Kristiyano.

Ayon kay Gilbert, paulit-ulit silang umapela sa GMM Manila upang ibalik ang katawan ni Sam sa barko noong siya’y namatay sa ospital. 

Subalit isang araw matapos ang trahedya, may ahente ng Han Rong 355 na nag-sumite ng burial request sa korte ng Somalia, ayon sa mga dokumentong sinuri namin. Nang maaprubahan ang request, kaagad inilibing si Sam ng mga lokal na opisyales ng Bosaso. 

Ayon sa Greenpeace, isang kumpanya sa Tsina, ang Zhejiang Hai Rong Oceanic Fisheries Co., ang nagmamay-ari ng barko. Hindi sinagot ng Zhejiang ang mga ipinadala naming e-mail upang kunin ang kanilang pahayag.

Napag-alaman din namin na maaaring naantala ang repatriation ng bangkay ni Sam dahil tatlong araw ang lumipas bago inireport ng GMM Manila ang kanyang pagkamatay sa mga awtoridad ng Pilipinas. Hindi sumagot ang ahensya nang itanong namin kung bakit naantala ang pag-report nila kahit na 24/7 ang assistance ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga ganitong kaso. Gayunpaman, sinikap ng GMM Manila na iuwi ang bangkay ni Sam hanggang 2019. 

Paliwanag ni Marlon Martija, dating welfare officer ng GMM Manila na humawak sa kaso ni Sam, tapos na ang kaso para sa kanila nang pumirma ang pamilya Dela Cruz sa areglo. Dahil dito, hindi na nila finallow-up ang repatriation.

Nitong Hulyo, inatasan ng DFA ang Embahada ng Pilipinas sa Nairobi na buhayin muli ang usaping repatriation sa mga awtoridad ng Somalia. Ayon kay Robert Ferrer Jr., assistant secretary ng DFA Office of Migrant Workers Affairs, itinuturing ng DFA na mahalagang humanitarian issue ang repatriation ng bangkay ng mga nasawi sa ibang bansa. 

“Ipinapangako naming patuloy silang bibigyan ng impormasyon sa pag-usad [ng kaso], at humihingi kami ng pang-unawa sa mga komplikasyong kaakibat ng gawaing ito,” dagdag ni Ferrer.

Madalang tumugon ang mga fishing companies kapag may nagkasakit na manginginsda sa kanilang barko. 

“Halos ang kapitan na ang nagpapasya kung babalik ba sila sa daungan o lilihis ng ruta mula sa pangingisda upang matiyak na makakauwi o madadala agad sa ospital ang isang empleyado,” ibinahagi ni Dominic Thomson, deputy director at Southeast Asia project manager ng  Environmental Justice Foundation (EJF). 

Ang sabi pa niya, madalas inililibing na lang ng “mga mapanlinlang na operator”  ang mga yumaong mangingisda sa dayuhang bansa o itinatapon na lang ang bangkay nila sa dagat.

Na-trauma ang mga Pilipinong mangingisda ng Han Rong 355 nang nasaksihan nila ang pagkamatay ni Sam at agad nilang hiniling sa GMM Manila na tulungan silang makauwi.  Humihirap ang kondisyon sa loob ng barko at marami sa kanila ang nagkakasakit tulad ni Sam. Subalit hindi sila pinakinggan ng ahensya. 

Isang buwan matapos masawi si Sam, may namatay na Tsinong mangingisda sa kanilang barko, kwento ni Gilbert. Inilibing siya sa tabi ng puntod ni Sam sa Somalia, batay sa mga dokumento.

”Tinanggap ko na, sabi ko sa sarili ko [noon], ‘Dito na ‘ko mamamatay’,” batid ni Gilbert na nakaranas din ng matinding sakuna.

Walang kopya si Gilbert ng kanyang kontrata, ni hindi siya sinabihan kung saan sila tutungo. Nabatid na lang niya nang makasagap ng signal sa kanyang cellphone – nasa Bosaso na pala sila. Anim na buwan dumaong ang Han Rong 355 sa Somalia.

Mula sa malalayo’t liblib na lugar ang karamihan sa mga Pilipinong nire-recruit magtrabaho sa sa mga dayuhang barko. Kadalasa’y kulang sa pera’t kaalaman ang mga ito kaya’t hindi nila inirereport o kinakasuhan ang mga nananamantala sa kanila.

Kasuhan man nila, taon ang inaabot bago sila mabigyan ng hustisya. Nagtrabaho si Nante Maglangit sa mga barko ng Tsina mula pa noong 2019. “Bangungot sa ‘kin,” sambit ng 35 taong gulang na dating mangingisda dahil hindi sapat ang pagkain at malinis na tubig ang ibinibigay sa kanila. Bukod pa doon, sa dalawang taong nangisda siya sa Arabian Sea hanggang Indian Ocean, kulang-kulang ang pinapasahod sa kanya, kadalasan nahuhuli pa ang bayad.

Nang matapos ang kontrata ni Nante, iniwan na lang siya at ang mga kasamahang mangingisda sa barko na paikot-ikot sa laot ng iba’t ibang bansa. Hindi makadaong ang kanilang barko dahil sa pandemyang COVID-19. Tatlong buwan bago sila nasundo. 

Si Nante Maglangit ay isang migranteng mangingisda na madalas sa T.M. Kalaw Avenue kung saan nirerekrut ang mga mandaragat at mangingisda. Thomson Reuters Foundation/Lisa Marie David

Taong 2022 nang napatunayan sa korte ng Pilipinas na lumabag ang mga amo ni Nante sa kontrata. Ngunit inabot ng dalawang taon bago siya binayaran ng halos 300,000 pesos kompensasyon ng kanyang recruiter at ng kumpanya sa Tsina. 

Ayon kay Hussein Macarambon, national coordinator ng proyektong Ship to Shore Rights Southeast Asia ng International Labour Organization (ILO), mahirap ipatupad ang mga proteksyon sa manggagawa dahil sari-saring mga bansa ang sakop ng industriya. Kasama dito ang bansang pinagmulan ng mangingisda, ang bansang pinagtatrabahuhan niya, ang bansa kung saan nakarehistro ang barko, at pati na rin kung saan mismo nangingisda’t dumadaong ang barko.

“Bawat isa sa mga bansang ‘to ay mayroong sariling batas at polisiya tungkol sa pangingisda, paggawa’t migrasyon na kadalasa’y hindi umaayon sa international labour standards,” paliwanag ni Macarambon.

Kinakailangan pagtibayin ang koordinasyon ng iba’t ibang pamahalaan upang mabigyan ng proteksyon ang mga migranteng mangingisda, dagdag niya. Kasama na sa mga proteksyong ito ang malinaw na proseso sa recruitment, pagkakaroon ng access sa ligal na tulong, at mas matibay na mekanismo para masiguradong mananagot ang mga may sala. 

Idiniin naman ni Jerome Pampolina, DMW assistant secretary ng Office of Sea-based OFW Concerns, mahirap habulin ang mga dayuhang kumpanya’t mga recruiter na nagpapatakbo ng kanilang operasyon online mula sa ibang bansa. Tanging ang mga lokal na recruitment agency na mapatutunayang sangkot sa katiwalian ang maaaring parusahan ng gobyerno ng Pilipinas. 

Sa loob ng 10 taon, pitong kumpanya pa lamang ang naparusahan sa mga kasong sangkot ang mga migranteng mangingisda, batay sa datos ng DMW. 

Wala pa sa listahang ito ang mga Pilipino’t dayuhang amo ni Nante kahit na sinuspende ng DMW ang lisensya ng kanyang recruiter noong 2023 dahil sa iligal na paniningil ng seafarers placement fees

Mababa ang tingin sa mga mangingisda, sabi ni Nante, dahil maliit ang sahod nila kung itutulad sa mga marino na nagtatrabaho sa cargo ships. Kadalasan, galing pa sila sa malalayong probinsya.

Mistulang “black market” ang recruitment practices sa Pilipinas at Indonesia, ayon sa EJF, matapos nilang makapanayam ang higit 200 Pilipinong migranteng mangingisda.

Kadalasan, may mga middlemen na dumadayo sa malalayong baryo at nagbabahay-bahay upang mag-alok ng trabaho sa mga dayuhang barko. 

Ang mga middleman ang nag-uugnay sa mga aplikante sa mga recruitment agency sa Maynila at Jakarta. 

Madalas na hindi ibinibigay sa mga mangingisda ang ipinangakong sahod, ayon sa EJF.

“Halos pareho ito sa human trafficking,” sabi ni Thomson. “Isa ‘tong industriya na wala talagang regulasyon sa maraming aspeto.”

Pinakamalala ang kondisyon sa mga barko ng Tsina, ayon sa mga nakapanayam ng EJF. 

Apat na mangingisdang nagtrabaho sa mga barkong ito ang nakausap namin. Inihayag nilang lahat na pilit silang pinakayod hanggang 18 oras kada araw upang mangisda, magyelo’t magpakete ng kanilang mga huli. 

Nagtrabaho rin si Nante sa mga barkong tinatawag na Han Rong. Tulad ni Gilbert, nakaramdam din siya ng pamamaga ng mga binti’t pagsusuka.

Sa Han Rong 355, binigyan sina Gilbert at ang kanyang mga kasamahan ng “naninilaw na tubig” na “lasang bakal.”

Parehong hindi nakakuha ng medikal na tulong sina Gilbert at Nante. Hindi nila nalaman ang kanilang naging sakit.

Hindi rin malinaw kung anong klaseng sakit ang ininda nina Sam at ng iba pang mangingisda. Nang ipakita namin sa isang doktor ang kanyang mga medical records, sinabi nitong hindi sapat ang impormasyon para alamin ang naging sanhi ng kondisyon ni Sam.

Mahigit sa $140 bilyon ang halaga ng pandaigdigang negosyo ng pangingisda, ayon sa United Nations Food and Agriculture Organization.

Tinataya naman ng DMW na nasa 6,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa mga komersyal na dayuhang barko kada taon.

Hindi pa kasama sa datos na ito ang crew ng mga barkong walang lisensya’t nasasangkot sa illegal, unreported and unregulated fishing. Ayon sa Global Fishing Watch, halos $23.5 bilyon bawat taon ang kita ng malagim na industriyang ito. 

Ang dinaranas ng mga Pilipinong migranteng mangingisda tulad nina Sam, Gilbert, at Nante ay bahagi ng isang pandaigdigang krisis ng forced labor o pwersahang paggawa sa dagat, batay sa 2024 na ulat ng ILO.

Habang dumarami ang mga kumpanyang lumalayag sa mas malalayong lugar upang makahanap ng isda, mas tumitindi naman ang pagkuha nito ng mga manggagawa mula sa mga mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas. Mura kasi ang bayad sa mga mangingisdang ito, sabi sa pag-aaral.

Natuklasan din ng ILO na ang mga mangingisda’y nakadepende sa proteksyon ng bansa kung saan nakarehistro ang kanilang barko. Ngunit mayroong mga barko na nakarehistro sa mga estadong walang kapasidad o pagkukusang-loob na protektahan ang mga migranteng mangingisda, saad sa pag-aaral.

Nananawagan ang mga Pilipinong migranteng mangingisda sa pamahalaan na magpasa ng isang batas na nagbibigay regulasyon sa lokal na recruitment

Nais din nilang iratipika ang Work in Fishing Convention ng ILO na nagsasaad ng batayan para sa industriya, kabilang na ang kaligtasan, medikal na tulong, at disenteng sahod. Dalawampu’t isang (21) bansa pa lamang ang nagpatupad ng kasunduang ito sa kasalukuyan. 

Bagama’t pumirma ang Pilipinas ng iba pang mga kasunduan sa United Nations, nabigo nitong protektahan ang mga migranteng mangingisda.

Hindi rin sapat ang pagpirma ng bansa sa Maritime Labour Convention (MLC). Inilalahad dito ang karapatan ng mga marino, ngunit hindi sakop sa Convention ang mga fishing vessel. 

“Hindi sakop ng MLC ang mga [migranteng] mangingisda. Problema natin ‘yon,” paliwanag ni Pampolina. “Kaya naman napakabulnerable nila.”

Tanging ang Department of Migrant Workers lamang ang may kakayahang magbigay ng proteksyon sa mga Pilipinong mangingisda sa loob ng bansa. “Kung mayroong mangyari sa loob ng barko, nagbibigay kami ng proteksyon at suporta para sa kanila tulad ng repatriation,” dagdag ni Pampolina.

Ngunit nahuli ang proteksyong ito para kay Sam dahil noong 2022 lang nabuo ang DMW.

Hanggang ngayon hindi ginagalaw ng mga magulang ni Sam ang kanyang kwarto. Nakatabi rin ang maletang kinailangan niya iwanan noon sa paliparan dahil sa panlilinlang ng kanyang recruiter.

Nakasabit sa sala ang isang malaking litrato ng anak na nakasuot ng uniporme. Ngunit hindi agad maaaninag ang imahe dahil tinakpan ito ng punit at kupas na telang may disenyo ni Scooby Doo.

“[Ang hiling] lang talaga namin, makauwi lang ang mga buto ni Sam,” daing ng kanyang ama na si Samson. “Para maka-move on na mama niya. Hindi kasi matatahimik kung wala ang anak niya.”

[Editor’s note: Ang pangalang Gilbert ay alyas ng dating mangingisda na kaibigan ni Sam Dela Cruz; hindi namin ginamit ang tunay niyang pangalan para sa kanyang kaligtasan. 

Ilan sa mga panayam namin ay isinalin nina Roby Nazario mula sa Ilonggo. Unang nailathala ang artikulong ito sa wikang Ingles at isinalin sa Filipino nina Dominic Gutoman at Raizza Bello.  Maaaring basahin ang English version sa Context, ang pandaigdigang media platform ng Thomson Reuters Foundations (TRF) sa Britanya na suportado ng Thomson Reuters.]

— PCIJ.org