Inilathala ng Ateneo de Manila University Press 2022.
Kabanata I. PAGKIKITA-KITA

Oktubre 30, hapon hanggang gabi
bahay ni Capitan Tiago, Binondo
“May handaan kina Tiago. Mamayang gabi na!”
Parang kuryenteng kumalat ang tsismis sa Maynila1 at mga katabing lugar. Alam kasi ng lahat na galanteng tao si Don Santiago de los Santos, o Capitan Tiago. At bukás ang kaniyang bahay (tulad ng kaniyang bayan) sa lahat—maliban sa mga ideyang bago at matapang.
Nakatira siya sa Kalye Anloaguei, sa bahay na medyo malaki at medyo tabingi. May azoteang (roof garden) nakaharap sa Estero de Binondo—na nagsisilbing paliguan, imburnal, labahan, palaisdaan, daan ng transportasyon, at pati tubig-inumin kung negosyohin ng Tsinong aguador.
Maluwag ang hagdanan papasok, baldosa (tiles) ang paanan, alpombra (carpet) ang apakan, tadtad ng bulaklak ang berdeng hawakan. At dahil wala namang bantay, aakyat tayo—ikaw na nagbabasa sa akin, kaibigan man o kaaway, kung naaakit ka sa musika ng orkestra, sa mga ilaw, sa clin-clanii ng mga plato’t kubyertos, at kung gusto mong malaman ang hitsura ng mga handaan doon sa Perlas ng Silangan.
Pagkaakyat, naroon agad tayo sa caida o sala—na ngayong gabi’y sabay silid-kainan at tugtugan ng orkestra. Nasa kahoy na entablado ang isang piano de colang (grand piano) napakamahal, na naging mas mahal pa ngayong gabi dahil walang tumutugtog. May mahabang mesang puno ng dekorasyon—kinikindatan ang mga bisita, at nangangako sa simpleng dalaga ng dalawang nakamamatay na oras kasama ang mga estrangherong iba magsalita.
Kabaliktaran ng karangyaang ito ang mga kuwadro (painting) sa pader—Ang Purgatoryo, Ang Impiyerno, Ang Huling Paghuhukom, atbp. na mukhang isinabit doon para mawalan ng gana ang mga bisitang pumunta-lang-para-kumain. Elegante ang mga upuan pero hindi komportable. Para bang sinasabi ng may-ari: “Di baleng sumakit ang katawan, galing namang Europa ang inuupan, at ‘yon ang pambihira!”
Si Tia Isabel, pinsan ni Tiago, ang sumasalubong sa mga senyora. Inaalok niya ng tabako at buyo2 ang mga Española, at nagpapamano naman sa mga Filipinaiii. Nagsisimula na siyang mainip sa ginagawa nang may nabasag sa kusina. Umalis siyang nagsasabi ng: “Sus! Humanda kayo, mga walang-kuwenta!” at di na bumalik.
Halos pumutok sa tao ang sala. Magkahiwalay ang babae’t lalaki tulad ng sa mga simbahan at sinagoga (synagogue). Pabulong mag-usap ang mga babae, tinatakpan pa ng abaniko (hand fan) ang bibig. Maingay naman ang mga lalaki, lalo na ang isang grupong binubuo nina Padre Sibyla, Padre Dámaso, Teniente Guevara, Señor Laruja, at isang binatang dilaw ang buhok. Nakapalibot sila sa maliit na mesang may alak at mga biskwit na Ingles. Peninsular3 na Espanyol silang lahat.
Matanda na si Teniente Guevara, matangkad, mukhang istrikto; parang isang Duke de Albang4 naiwan sa ranggo ng mga Guardia Civil. Bihira siyang magsalita pero deretsahan makipag-usap.
Dominiko si Padre Sibyla, bata at guwapo, kumikinang tulad ng ginto niyang salamin. Kura siya ng Binondo, propesor sa Letran, at kilalang magaling sa debate.
Pransiskano naman si Padre Dámaso, may halo nang puti ang buhok, pero mala-Hercules pa rin ang tindig; malapad ang panga, maayos ang mukha, may titig na medyo katiwa-tiwala. Brusko at mayabang magsalita, pero nababawi ng masarap niyang paghalakhak.
Maliit si Señor Laruja, maitim ang balbas, at masyadong malaki ang ilong.
Mukha namang kararating lang sa bansa ang binatang dilaw ang buhok. Kausap niya si Padre Dámaso.
“Haynako, amigoiv!” sabi ng pari. “Kapag nakailang buwan ka na sa bansang ito, makikita mo! Ibang-iba rito kaysa Madrid!”
“Pero…”
“Ako, por ejemplo, 23 años na’kong kumakain ng saging at kanin! Ay, kilala ko ang indio! 20 años ako sa San Diego, at ilang buwan pa lang mula nang…iwan ko ito. 6000 ang populación doon, pero alam ko kung aling paa ang piláy kay ano, kung saan masikip ang zapatos ni ano, kung sino ang umano kay ano, kung sino’ng totoong ama ni ano…Ah! Itanong n’yo kay Santiago kung totoo ang sinasabi ko, may hacienda siya roon!”




“Pero…”
“O! Tapos pag-alis ko…halos walang naghatid sa akin! Biruin mo…PAGKATAPOS NG 20 AÑOS!” Sabay inom ng alak, nakasingit tuloy ang kausap.
“Pero ano po’ng conexión niyan sa monopolio ng tabaco?!” tanong ni dilaw-ang-buhok.
Nanlaki ang mata ni Dámaso. “ANO’NG CONEXIÓN? Hindi mo nakuha? Walang cuenta ang mga reformang ginagawa ng gobierno!”
“H-HA?…Naniniwala ba kayong…”
“Oo, naniniwala ako! NAPAKATAMAD NG MGA INDIO!” sabi ni Damaso.
“Ah! Tungkol diyan…natural ba talaga sa indio ang katamaran? O totoo rin ba ang nabasa kong palusot lang natin ito para sa ating…”
“Ca! Sino ‘yan? Ha? HA? Itanong n’yo kay Señor Laruja kung may mas tatamad pa sa indio…”
“Wala nang mas tamad pa sa indio,” sabi naman ni Laruja.
“Ni mas salbahe, ni mas ingrato!”
“Ni mas mal educado!”
Napatingin sa paligid ang binata. “Señores…wala ba tayo sa bahay ng isang indio? Ang mga dalagang iyan…”
“Haha! Huwag kang masyadong kabado,” sabi ni Dámaso. “Itinatakwil din naman ni Tiago ang pagiging indio…E gaano ka na ba katagal dito?”
“Apat na araw po.”
“Bilang empleado?”
“Gusto ko lang pong pag-aralan ang bansa.”
“Hombre! Pambihirang ibon! Gumastos ng malaki…para malaman ang puwede namang basahin sa libro!”
Biglang sumingit si Padre Sibyla. “Padre Dámaso, sinabi ninyong veinte años kayo sa San Diego…hindi ba kayo nasiyahan doon?” tanong niyang parang nanloloko, at parang walang pakialam.
Biglang nawala ang ngiti ni Padre Dámaso. “HINDI!”
“Nasaktan din naman ako nang umalis ako sa Camilingv,” patuloy ni Sibyla. “Pero iniutos iyon ng aking superior…dahil mas mabuti para sa Komunidad…at para sa akin.”
Natahimik si Padre Dámaso. Tapos biglang hinampas ang mesa: “ANO BA TALAGA? MAY RELIHIYON BA O WALA? Kapag pinatanggal ng cura sa sementeryo niya ang bangkay ng isang erehe, WALANG PUWEDENG MAKIALAM! At lalong walang puwedeng magparusa! KAHIT CAPITAN GENERÁL!”
Napatayo ang Teniente. “Padre, ang Capitan General ang Vice Real Patrono! BAWIIN N’YO ‘YAN! O bukas na bukas ay isusumbong ko kayo!”
“Bakit bukas pa? Ngayon na! LAKAD!”
“Señores!” singit ni Padre Sibyla. “Huwag na nating gawing complicado ang mga bagay. Isipin na lamang natin…sa mga salita ni Padre Dámaso, alin ba ang sinabi niya bilang pari? At alin bilang tao? Kung bilang pari, per se ay hindi dapat makasakit dahil absoluto. Kung bilang tao, alin naman ang ab irato, in corde, at ab ore pero hindi in corde…”
“Eeeh, basta!” sabi ng Tenienteng natakot na baka siya pa ang lumabas na mali. “Ang alam ko lang: BINASTOS ni Padre Dámaso ang isang napakarangal na tao. Oo, NAPAKARANGAL…at imposibleng nagpakamatay tulad ng sinasabi. Marami pa akong gustong sabihin…ipagpasalamat nawa ninyong hindi ko na itutuloy.” Sabay alis.
“Naku!” sabi ni Sibyla. “Sensitibo yata ang nabuksan kong paksa. Pero…kung pabor naman sa inyo ang paglilipat…”
“ANONG PABOR?” sabi ni Dámaso. “Paano ang mga naiwan…ang mga papeles…ang lahat ng nawala?”
Unti-unti, bumalik sa dati ang pagtitipon. Nakahabol pa sina Don Tiburcio de Espadaña—isang matandang Español, pilay, at pautal-utal kung magsalita. Kasama niya ang asawang si Doña Victorina–isang matandang Filipinang kulot na kulot, makapal ang kolorete (make-up), at nakadamit-Kastila. Nakisali sila sa grupong nakilala natin.
“Hindi n’yo pa ako ipinakikilala sa may-ari ng bahay,” sabi ni dilaw-ang-buhok.
“Lumabas daw sandali,” sagot ni Laruja.
“Ay, huwag kayong mag-alala,” singit ni Dámaso. “Mabuting tao si Santiago.”
“Isang taong hindi nakaimbento sa pulbura,” nakangiting dugtong ni Laruja.
“Kayo naman, Señor Laruja!” sabi ni Victorina. “Paano naman iimbentuhin ni Santiago ang pólvora…kung napakatagal na itong naimbento ng mga Tsino?”
“MGA CHINO? Loca-loca ba kayo?” sabi ni Padre Dámaso. “Kapatid kong Franciscano ang naka-invento niyan! Si Padre…Savalls yata, oo! Noong siglo…siete!”
“Pransiskano ba ‘kamo?” sabi ni Victorina. “E…baka misyonero sa Tsina itong si Savalls.”
“Schwartz,” pagtatama ni Sibylang hindi man lang sila tiningnan.
“Ewan…Savalls ang sabi ni Padre Dámaso. Inulit ko lang.”

“E basta hindi siya Chino!” sabi ni Dámaso.
“At noong siglo 14. Hindi 7,” sabi ni Sibyla.
“O sigue! Pero hindi pa rin siya Dominico!” sabi ni Dámaso.
“Huwag kayong mapipikon, Padre,” nakangiting sabi ni Sibyla. “Mabuti nga at na-invento na niya…para hindi na mahirapan ang kaniyang mga kapatid.”
“Ah, Padre Sibyla,” sabi ni Victorina. “Siglo 14 ang sabi ninyo. BC o AD?”
Pasalamat ng tinanong at may dalawang pumasok sa sala.
Kabanata II. CRISÓSTOMO IBARRA

Oktubre 30, gabi
bahay ni Capitan Tiago, Binondo
“Magandang gabi, señores! Buenas noches, Padre!” sabi ni Tiago, sabay mano sa mga paring nakalimutan siyang basbasan. Nakatingin silang lahat sa kasama niya. “Karangalan kong ipakilala sa inyo…si Don Crisóstomo Ibarra, anak ng yumao kong kaibigan. Kauuwi lang niya mula sa Europa.”
Nagulat ang ilan. Namutla si Dámaso. Nagtanggal ng salamin si Sibyla. Pinagmasdan ng Teniente ang binata—matangkad ito, maginoong kumilos, may bakas ng dugong-Espanyol ang balat na kayumanggi.
“Aba!” sabi ng binata. “Ang aming cura at matalik na kaibigan ng aking ama. Kumusta po, Padre Dámaso?”
Napatingin ang lahat sa Pransiskanong naging parang estatwa.
“Ahhh…pasensya. Mukhang nagkamali po ako,” dagdag ni Ibarra.
“Hindi ka nagkakamali…ako nga si Padre Dámaso. Pero hindi ko kailanman naging amigo ang ama mo!”
Mabagal na binawi ni Ibarra ang iniabot na kamay.
Lumapit ang Tenienteng mukhang malungkot. “Hijo, kayo ba ang anak ni Don Rafael Ibarra?”
Tumango ang binata. Nakatingin nang masama si Dámaso.
“Maligayang pagdating, Señor,” sabi ng militar. “At…mas lumigaya sana kayo kaysa inyong ama. Isa siya sa pinakamararangal na taong nakilala ko.”
“Gracias, Señor,” sagot ni Crisóstomo. “Hindi ko po alam ang nangyari sa kaniya, pero gumagaan po ang loob ko sa sinabi ninyo.”
Naluha ang Teniente at biglang umalis.
Nakita ni Ibarrang wala na siyang kasama, kaya lumapit siya sa grupo ng mga dalagang kanina pa siya sinusulyapan.
“Magandang gabi, mga binibini! Pasensya’t hindi na ako naghintay ng magpapakilala sa akin. Pitong taon akong nalayo sa aking bayan. At ngayong nakabalik na, nais kong batiin ang pinakamagaganda niyang palamuti—ang kaniyang kababaihan.”
Walang sumagot sa mga dalaga, kaya napilitan siyang lumipat sa grupo ng mga binata.
“Señores,” sabi niya, “may costumbre sa Alemanya na kapag walang magpapakilala sa iyo sa iba, ikaw na mismo ang gagawa nito. Hayaan ninyong gawin ko ito, hindi upang baguhin ang sarili nating magagandang kostumbre, kundi dahil kailangan ito ng sitwasyon. Ako si Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin.”
Sinabi rin nila ang kanilang mga pangalan, na di gaanong kilala, at di gaanong mahalaga. Hanggang magsalita ang isa: “Ako si A_____.” At yumukod nang bahagya.
“Aba!” sabi ni Ibarra. “Karangalan ko yatang makaharap ang makatang bumuhay sa damdamin kong makabayan! …Hindi na raw kayo nagsusulat?”
“Hindi na. Wala akong balak mapahamak. Si ano nga…kinasuhan dahil isinulat na: ‘Ang anak ng leon ay leon din’vi. Yun lang. At muntik na siyang ipatapon!” At iniwan nito ang grupo.
Halos patakbo namang lumapit ang isang lalaking may-edad—nakadamit-Filipino at brilyantes ang botones. “Señor Ibarra, matagal ko na kayong gustong makilala. Ako si Capitan Tinong, kaibigan ni Santiago at ng inyong ama. Ituring ninyong sariling bahay ang bahay ko sa Tondo. Dumaan na kayo bukas upang mananghalian!”
“Naku, salamat po. Ngunit pa-San Diego po ako bukas.”
“Ahhh…sayang. Pagbalik n’yo na lang siguro.”
“HANDA NA PO ANG MESA!” sabi ng weyter ng Cafe La Campanavii. Pumila ang lahat, ngunit kailangan pang pilitin ang mga babae, lalo na ang mga Filipina.
Kabanata III. ANG HAPUNAN

Oktubre 30, gabi
bahay ni Capitan Tiago, Binondo
Jele-jele bago quiereviii
Nag-iisip nang malalim ang Teniente, naapakan tuloy ang palda ni Doña Victorina.
“Aray!” sabi ng babae. “Wala ba kayong mga mata?”
“Mayroon, Señora. At mas malilinaw kaysa inyo. Nakatingin kasi ako sa mga kulot ninyo,” sagot ng militar at agad lumayo.
Mapayapang naglalakad si Sibyla. Masama naman ang timpla ni Dámaso, sinisipa ang mga upuang nakaharang, at siniko pa ang isang kadete. Sabay hinawakan ng dalawang pari ang upuan sa kabisera ng mesa. Nagkatinginan sila.
“Para sa inyo, Padre Dámaso!” sabi ni Sibylang hindi bumibitaw sa upuan.
“Para sa inyo, Padre Sibyla!” sagot ni Dámasong hindi rin bumibitaw.
“Matagal nang kaibigan ng familia…confesor ng yumaong maybahay…edad, dignidad, at autoridad…”
“Hindi naman masyadong maedad! E…kayo naman ang cura rito,” sabi ni Dámaso.
“Haay…sige na nga! Dahil pinilit ninyo ako,” sabi ni Sibylang paupo na.
“Hindi ako namimilit! HINDI AKO NAMIMILIT!”
Biglang lumapit ang Teniente.
“Señor Teniente, nasa mundo tayo at wala sa simbahan…sa inyo ang lugar na ito!” sabi ni Sibyla sa tonong kabaliktaran ang sinasabi.
Tumanggi ang militar, baka dahil ayaw ng gulo, o ayaw maupo sa gitna ng dalawang fraile. Si Ibarra lang ang nakapansin kay Tiagong pinanonood sila nang nakangiti. Wala nang bakanteng upuan.
“Dito po kayo, Don Santiago,” sabi ng binata.
“Naku, naku…huwag kang tatayo. E para sa iyo nga ang handaang ito—pasasalamat ko sa Birhen na nakarating kang maayos. At…siguradong magugustuhan mo ang pinaluto ko. OY! ILABAS ANG TINOLA!”
Humarap sa kanila ang isang malaking umaasong mangkok. Pagkabigkas ni Sibyla ng Benedicite, nagsimula siyang sumandok para sa mga kasama. Ewan kung bakit pero walang laman ang plato ni Padre Dámaso kundi hubad na leeg at matigas na pakpak ng inahing manok, lumalangoy sa sabaw na may kaunting kalabasa. Samantala nagpipiyesta ang iba sa mga hita at pecho, at pinakasuwerte si Ibarrang nakuha ang mga lamang-loob[ix]. Pagkakita sa sitwasyon, dinurog ni Dámaso ang kalabasa, humigop ng kaunting sabaw, ibinagsak ang kutsara, at itinulak palayo ang plato. Abalá si Sibylang nakikipag-usap kay dilaw-ang-buhok.
Tanong ni Laruja kay Ibarra: “Gaano kayo katagal sa Europa?”
“Halos siete años.”
“Napakatagal! Nalimot n’yo na siguro ang bansang ito.”
“Aba, kabaliktaran! Lagi ko siyang naaalala, at ako yata ang kaniyang nilimot.”
“Ano ang ibig n’yong sabihin?”
“Ibig kong sabihin…isang taon na akong walang balita mula rito. Ni hindi ko alam kung paano namatay ang aking ama!”
Naubo ang Teniente.
“Nasaan ba kayo’t walang telegrapo roon?” tanong ni Victorina. “Nang ikasal kami’y tinelegrapo namin ang Peñinsula[x]!”
“Nasa Alemanya at Polonia Rusa5 po.”
Sabi ni Tiburcio: “Nnna…nakilala mo kaya ang isang Pp-polakong taga-Varsovia…Stadnitzki ang pangalan…kulay-ginto ang buhok…at napakasamang mag-Español?”
“Magaganda pong palatandaan. Maaari nga pong nakilala ko pero hindi ko lang maalala ngayon. At halos wala po talagang nag-e-Español doon.”
“Ha? E paano kayo nakipag-usap?” usisa ni Victorina.
“Ginamit ko po ang wika ng bansa.”
“Nagsasalita rin po ba kayo ng Ingles?” tanong ni Sibyla. Madalas kasi siya sa Hong Kong at marunong mag-Pidgin-English[xi].
“Nakaisang taon din po ako sa Inglatera.”
“At aling bansang Europeo ang pinakanagustuhan ninyo?” tanong ni dilaw-ang-buhok.
“Bukod sa España na pangalawa kong Inang Bayan…alinmang bansa sa malayang Europa.”
“At sa dami ng inyong nakita, alin ang pinakakapansin-pansin?” tanong ni Laruja.
“Kapansin-pansin? Sa anong paraan?”
“Por ejemplo, sa politica, sa cultura, sa religion…sa pangkalahatan…”
Matagal na nag-isip si Ibarra. “Pinag-aaralan ko ang kasaysayan ng isang bansa bago ko ito puntahan. At napansin kong…umuunlad o humihirap ang bansa depende sa kaniyang kalayaan o pagkaabalaxii—na depende naman sa pagsasakripisyo o kasakiman ng kaniyang mga ninuno.”
“YUN NA ‘YON?” sabi ni Damaso. “Nagwaldas ka ng pera at YUN LANG ang nalaman mo? E alam ‘yan ng kahit sinong batang nag-aaral!”
Naghintay ng iskandalo ang iba.
Naisip ni Ibarra sabihing: Mukhang lasing na ang Padre. Pero pinigilan niya ang sarili at ito na lang ang sinabi: “Señores, huwag kayong magtaka sa familiaridad ng Padre sa akin. Madalas namin siyang bisita noong bata pa ako…marahil bata pa rin ang tingin niya sa akin.”
Tiningnan ni Sibyla si Dámaso. Nanginginig ito.
Tumayo si Ibarra. “Mauuna na po ako sa inyo. May lakad po ako bukas at kailangan pang maghanda. Todo para España y Filipinas!”xiii At tinungga niya ang laman ng kopitang noon lang niya ginalaw. Ginaya siya ng Teniente.
Sabi ni Tiago: “Ay…huwag muna kayong umalis! Parating na si Maria!”
“Di bale po, Don Santiago. Daraan po ako bukas bago lumarga.” At nagpaalam si Ibarra.
“Kita n’yo na!” sabi ni Dámaso kay dilaw-ang-buhok. “Ayaw mapagsabihan ng pari! Kayabangan! ‘Yan ang efecto ng pag-aaral sa Europa! Dapat ipagbawal ‘yan e!”
“At ang Teniente!” dagdag ni Victorina. “Qué sungit buong gabi! Buti nga umalis na. Qué tanda na’y teniente pa rin!”
Pagkauwi, isinulat ng binatang dilaw ang buhok sa kaniyang dyornal: 1) Sa Filipinas, puwedeng masira ang isang pista dahil lang sa tinola. 2) Pinakawalang-kuwenta sa isang handaan ang nag-imbita. 3) Sa ngayon, mas makabubuti sa mga Filipino na hindi sila payagang umalis ng bansa o turuang magbasa.
Mabibili ang libro sa sa Lazada at ang e-book sa Ateneo De Manila University Press.
1. Ayon sa restoration architect na si Mico Manalo, ang tinatawag na Maynila noon ay ang Intramuros, ang nakapader na siyudad ng mga Español sa Filipinas. Kaya “katabing lugar” lamang ang Binondo at iba pang bahagi ng tinatawag nating Maynila ngayon.
2. buyo=mixturang gawa sa bunga ng areca na binalot sa dahon ng betel, tradisyunal na nginunguya sa mga bansa sa Silangan (Diccionario de la Real Academia de Lengua Española 2001 sa Jimenez 2011)
3. peninsular=purong Espanyol na ipinanganak sa Espanya. Pinakamataas na uri noon sa lipunang Pilipino. (Anderson 2008)
4. Duke de Alba=mula sa kilalang maharlikang pamilya sa Espanya (wikipedia.org) o maaaring tumutukoy kay Francisco Alvarez de Toledo, heneral noong ika-16 na siglo na kilala para sa kaniyang kabangisan (Lacson-Locsin 2004)
5. Polonia Rusa=Russian Poland (Derbyshire 1912)
i. Tinutukoy raw ni Rizal dito ang bahay ni Don Balvino Mauricio, na matatagpuan sa gitna ng mga kalyeng Juan Luna, Rentas, at Ingreso, sa likod ng Estero de Binondo (Lacson-Locsin 2004). Masisilip ang bahay sa isa sa mga Letras y Figuras ng Pilipinong pintor na si Jose Honorato Lozano (Ocampo 2012).
ii. clin-clan=ito ang mismong salitang onomatopeyikong ginamit ni Rizal.Follow PCIJ on Facebook, Twitter, and Instagram.
iii. Ano ang lahi ng mga tinatawag ditong “Filipina”? Hindi ganoon kasimple ang sagot. Ayon kay Benedict Anderson (1998:246), noong panahon ni Rizal, ang tinatawag na “Filipino” ay mga insulares—o mga purong Espanyol na ipinanganak sa Filipinas. Samakatuwid sa lipunan noon, mas mataas daw ang “Filipino” sa “indio”. Ngunit makikita ritong nagmamano kay Tia Isabel ang mga “Filipina” (las filipinas sa bersyong Español). Kung lahing indio si Tia Isabel tulad ng pinsang si Tiago, malamang mga dalagang indio ang tinutukoy, na nakabababa lang kay Tia Isabel dahil sa edad. Ngunit kailangang amining hindi naman sinabi nang diretso na indio si Tia isabel. Nabanggit ding may mga “simpleng dalaga” sa party at na kailangan pang piliting kumain ang mga Filipina. Sa dulo ng kabanata, inilarawan din ang indiong si Doña Victorina bilang “una vieja filipina”. Bagaman hindi ginamit ang salitang indio/a para sa kaniya sa buong Noli, diretsong sinabi sa kabanata 1 ng Fili na isa siyang indio. Tinawag ding filipinang di pa marunong mahimatay si Maria Clara sa kabanata 23—na baka nga mas nakagulo pa sa usapin. Posibleng iniwasan ni Rizal gamitin ang “indio” dahil naging isang insulto na ito para sa mga kalahi niya. O baka gusto na niyang baguhin o palakihin ang ibig sabihin ng “Filipino”. Tulad ng sabi ni Rizal sa liham kay Blumentritt noong 13 Abril 1887: “They are creole young men of Spanish descent, Chinese half-breeds, and Malayans; but we call ourselves only Filipinos.”
iv. Sa orihinal na tekstong nakasulat sa Wikang Espanyol, ipinagpapalagay na Espanyol lahat ng usapan, at sinasabi ni Rizal kapag biglang naging Tagalog (en tagalo). Mas mahirap para sa bersyon natin—Filipino ang nababasa mo pero mas madalas talagang sa Espanyol sila nagsasalita. Para maalala mo ito, siningitan ko ang diyalogo ng mga salitang Espanyol o mga salitang nakabaybay (naka-spell) nang pa-Espanyol. May mga panahon pang magkaiba mag-Tagalog ang dalawang nagsasalita nito batay sa pagkatao nila. Makahulugan kasi ang iba’t ibang paraan ng pagsasalita. Ano ang ibig sabihin kung nasa wikang Espanyol lahat ng kumbersasyon sa handaan? Ano ang kahulugan kapag Tagalog ang ginamit ng fraile para kausapin ka? O kung sa Tagalog naganap ang isang intelektwal na debate? O kung nag-e-Espanyol ang isa pero mali-mali naman?
v. lugar sa Pangasinan at ngayo’y nasa Tarlac; bayan ni Leonor Rivera, ang pakakasalan sana ni Rizal (Lacson-Locsin 2004)
vi. islogang ginamit ng mga tagasuporta ng mga republikanong Espanyol (Lacson-Locsin 2004)
vii. restawran sa Escolta, pinaka-“sosyal” noong panahong iyon (Lacson-Locsin 2004)
viii. “Kunwari ayaw, gusto naman.” Nasa magkahalong Español at Tagalog na ‘wikang palengke’ noon sa Maynila at Cavite. (Derbyshire 1912)
ix. Mapapansing ang tinolang inilalarawan dito ay iba sa tinolang karaniwang makikita ngayon. Una, calabaza talaga ang nakasulat sa orihinal bilang gulay na kasama ng manok. Tama raw ito ayon sa mananaliksik ng pagkaing Kapampangan na si Atching Lilian (matatagpuan sa kanyang aklat na Atching Lillian’s Heirloom Recipes 2014). Pangalawa, inahing manok (gallina) ang gamit. At pangatlo, isinama sa sabaw ang lamang-loob (menudillos sa orihinal, na ayon sa Diccionario de la lengua española ng Real Academia Española ay interior de las aves, que se reduce a higadillo, molleja, sangre, madrecilla y yemas) na napunta raw kay Ibarra. Pang-apat, sinabing dinurog ni Padre Damaso ang calabacínes (pequeña calabaza cilindrica de corteza verde y carne blanca sa rae.es o zucchini sa Ingles ayon sa spanishdict.com) at hindi ang kalabasang nabanggit na kanina. Nagkamali kaya ng sulat si Rizal? Kung ano man, hindi pa ako nakatatagpo ng resipi ng tinola na ito ang eksaktong kumbinasyon. Dito lang sa Noli Me Tangere.
x. Peninsula=Espanya. Itinuring na manerismo ng mga nagpipilit mag-Espanyol ang paggamit ng ‘ñ’ kung saan ’n’ lang dapat. (Derbyshire 1912)
xi. Inilarawan ito ni Rizal bilang “adulteración del idioma de Shakespeare por los hijos del Imperio Celeste” o pagsubok ng mga Tsino na gamitin ang wika ni Shakespeare. Mukhang hindi lang talino ni Ibarra ang gustong ipagmalaki ng awtor kundi sarili niyang talino.
xii. libertades o preocupaciones (Jimenez 2011)
xiii. Pilipinas o Filipinas? Para sa edisyong ito, pareho. Hangga’t maaari ginamit ang “Pilipinas” kapag ang editor ang nagsasalita. “Filipinas” naman kapag ang tagapagsalaysay o isang tauhan ang nagsasalita bilang paggalang sa totoong tawag nila sa bansa noong panahong iyon.
