7 DISYEMBRE 2000
Erap City
salin mula sa Ingles ng PCIJ

ANO ANG pagkakatulad ng mga bahay ng maralita sa Erap City—ang pinakamalaking housing project ni Pangulong Estrada—at ng "Boracay" mansion ng Pangulo?

Ang sagot: iisa ang gumawa ng mga ito—ang New San Jose Builders, isang construction company na laging nakakakuha ng malalaking kontrata sa pamahalaan.

Libreng nakuha ni Erap ang kanyang palasyo na nakatayo sa 7,000 square meter na lote. Regalo raw ito sa kanya ng New San Jose.

Pero ang mga maralitang titira sa Erap City ay kailangang kumayod. Kailangan silang maghulog ng P1,500 kada buwan sa loob ng 25 taon para mabayaran ang 20-square meter na bahay sa Erap City.

Kilala ang New San Jose Builders sa pagiging malapit sa gobyerno, sinuman ang nakaluklok rito. Ayon kay dating housing chief Karina David, "Magaling daw kasi ang New San Jose; kung sino ang nasa kapangyarihan ay nakakahanap sila ng malapit doon sa may kapangyarihan na magiging miyembro doon sa New San Jose."

Noong 1999, pumasok bilang bagong partner sa kumpanya si Antonio Evangelista, isang kaklase ni Pangulong Estrada sa Ateneo High School, na nasa negosyo rin ng construction. Ang pamilya Evangelista ang may-ari rin ng Kanlaon Construction.

Ayon sa aming sources, iniregalo lamang ng New San Jose Builders ang pagpapaayos ng "Boracay," ang mansyong nakatayo sa # 100 11th St., New Manila Quezon City. Ang mansyong ito'y may white sand na nakapalibot sa heated swimming pool at meron din itong "wave maker," o makinang gumagawa ng artipisyal na alon. Meron din itong orchid garden at higanteng bahay kubo sa hardin.

Ayon sa mga barangay officials sa New Manila, mga enhinyero ng New San Jose Builders ang lumakad ng mga permit upang ma-renovate ang bahay at lupa, na dating pag-aari ng pamilya Madrigal. Ang pag-aaring ito ay nakapangalan sa St. Peter Holdings, isang kumpanyang binuo ng mga abogadong kasamahan ni Atty Edward Serapio, legal adviser ng Pangulo.

Kinumpirma ni Ilocos Sur governor Luis "Chavit" Singson na grupo ni Evangelista ang kontratista sa Boracay. Aniya, "Si Tony Evangelista ang gumawa ng bahay na yon. Magpapagawa rin sana ako Tony ng ganoong klaseng swimming pool doon sa amin sa Ilocos para sa pagdalaw ni Pangulong Estrada doon."

Ang Kanlaon Construction naman ni Evangelista ang siyang gumagawa rin ng isa pang mala-palasyong bahay sa # 2 Molave St cor Banaba sa South Forbes Park, Makati. Ayon sa mga kontratista, ang bahay ay para naman kay Guia Gomez o sa kanyang anak na si J.V. Ejercito.

Ang bahay sa Molave St ay may apat na kuwarto, garahe sa basement na puwedeng paglagyan ng apat na kotse, at "infinity pool" - swimming pool na gawa sa bakal at vinyl. Ang lote nito ay 3,000 square meters na ang laki, kasingsukat na ng 60 lote sa low-cost housing project ng pamahalaan. Tinatayang ang lupa lang ay nagkakahalagang P150 milyon.

Kanlaon Construction din ang naglakad ng mga permit para gibain ang lumang bahay ng pamilya Nepomuceno sa # 518 Buendia Avenue Ext., sa North Forbes na balak tayuan ng bahay para sa anak ng Pangulo na si Jackie Ejercito na ikinasal noong nakaraang taon kay Manuel "Beaver" Lopez.

Malalaking proyekto ng gobyerno ang nakuha ng New San Jose noong nakaraan. Sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, napunta sa kumpanya ang Pabahay sa Riles, ang military housing sa Bulihan, Pag-ibig City at GSIS City sa Bacoor, Cavite.

Mabigat ang naging problema sa pinansya ng New San Jose bago pumasok si Evangelista. Noong 1998, inireport ng kumpanya sa Securities and Exchange Commission ang pagkalugi nito ng mahigit P20 milyon. Bukod diyan, may kaso pa ito sa BIR dahil umano sa pagkakautang na mahigit P600 milyon.

Gumanda ang negosyo ng New San Jose Builders nung 1999. Nakuha nito ang P2.8 bilyon na proyektong Erap City, isang malaking housing project na tinaguriang sentro ng programang pabahay ng administrasyong Estrada. Pinaplano ng gobyernong magtayo ng 60,000 bahay sa 2,500 hectares na dating mga palayan sa Montalban. Dito ililipat ang 1.2 milyong maralitang tagalunsod.

Naka-jackpot ang New San Jose sa proyektong ito, dahil masasabing walang puhunan ang kumpanya kundi laway. Garantisadong babayaran ang New San Jose sa mga bahay na itinayo nito. Ang National Housing Authority o NHA ang siyang magpapauna ng bayad sa bahay, na huhulugan ng mga residente. Magbayad man ang mga residente o hindi, garantisado na ang bayad sa New San Jose. Garantisado ring babayaran ng pamahalaan ang kumpanya sa ipinuhunan nitong lupa at kagamitan na nagkakahalagang P600 milyon.

Bukod diyan, pumasok rin ang pondo mula sa mga government financial institutions. Naglagay ang Social Security System o SSS ng P1.7 billion sa proyekto samanatalang P700 million naman ang ipinasok ng Land Bank.

Habang guminhawa ang pangulo at ang New San Jose, nakaranas naman ng malaking pagkalugi sa proyektong ito ang mga maralitang tagalunsod na ililipat sa Erap City matapos ma-demolish ang kanilang mga bahay sa syudad. Sa ngayon, panay ang daing ng mga naninirahan sa Erap City dahil walang walang tubig, walang duktor at kailan lamang nagkaroon ng kuryente.

Ayon sa residenteng si Rey Amon, ilang bata na ang nagkakasakit o di kaya'y namamatay dahil sa maruming tubig galing sa gripo. "Yung tubig dito e pwede mo lang talagang pambuhos ng kubeta, panligo, panlinis ng banyo. Pero iinumin, hindi uubra," ani Amon. Para makakuha ng malinis na tubig ay pumipila ang mga residente sa isang bukal sa dulong bundok malapit sa Erap City, o kaya'y bumibili sila ng tubig sa labas ng housing project.

Wala ring eskuwelahan para sa 3,000 estudyante sa Erap City. Nagsisiksikan ang mga bata sa mga bakanteng bahay na ginawang classroom. Umaabot ng 80 estudyante ang pinagkakasya sa silid na 20 square meters lamang ang laki.

Wala ring budget mula sa DECS ang mga guro dahil di pa kinikilalang isang ganap na eskuwelahan ito. Kaya't ang ilang mga guro rito ay volunteer lamang. Ang iba naman sa kanila ay matagal nang di sinusuwelduhan.

Kinainisan din ng mga residente ang kawalan ng kuryente. Ayon kay Amor, sinubukan nila ireklamo ang bagay na ito sa mga kinauukulan ngunit nagturuan ang mga ito: "Pupunta sa NHA sasabihin ng NHA punta kayo sa San Jose Builders, pupunta sa San Jose sasabihin naman punta kaya sa NHA." Nagpasya na lamang ang mga residente na magkaisa at magpunta sa Meralco kaya't nagkaroon ng kuryente sa lugar.

Wala ring doktor na nakatalaga sa Erap City. Bagamat may klinika doon, isang kumadrona lamang ang tumatao. Dahil dito, nagiging dagdag gastos pa ang mga serbisyong dapat sana ay matagal nang inihanda para sa mga relocatees sa Erap City.

Ayon sa residenteng si Malou Dagon, opisyal ng homeowners association, mas maganda ang tirahan nila ngayon. Ngunit dagdag niya: "Doon sa pinanggalingan namin, squatter kami pero yung basic services kahit squatter kami, kompleto. Dito ang ayos nga ng kinalalagyan namin, kapos naman kami sa basic services."

Pahirap sa mga taga-Erap City ang pinaglagyan sa kanila ng pamahalaan. Malayo sila sa kanilang mga hanapbuhay at wala naming alternatibong kabuhayan na inilaan para sa kanila. Dahil dito, marami ang bumalik na sa kanilang mga pinanggalingan.

Pahayag ni Malou: "Hindi ka naman puwedeng mabuhay lang sa maganda yung bahay mo. Alangan naman ngatngatin mo yung simento para mabusog ka. Dapat yung hindi lang ganoon yung tiningnan nila. Dapat tiningnan nila yung maganda nga yung lugar na kinalagyan mo. May simento kang kalsada wala ka namang kakainin. Paano naman yon?"

Inimbestigahan ng Senado ang Erap City dahil sa mga ulat na lumabag sa mga batas sa environment at land use ang New San Jose. Bahain ang lugar na ito na bahagi ng San Jose Flood Plain. Nakatayo ito sa ibabaw ng Marikina fault line kung kaya't may posibilidad na gumuho ang mga bahay sakaling lumindol. May ulat din na mahinang klase ng materyales ang ginamit para sa mga bahay dito.