24-25 JULY 2000
[ Translation courtesy of Pinoy Times ]

Lihim na Yaman ni Erap Buking

nina YVONNE T. CHUA, SHEILA S. CORONEL at VINIA M. DATINGUINOO

WALANG ITINAGO si Pangulong Estrada sa taumbayan kaugnay ng kanyang personal na buhay. Inamin niya ang pagkakaroon ng ilang babae na kanyang inanakan.

Pero hindi gaanong bukas ang Pangulo kapag ang pinag-uusapan ay may kinalaman sa pinansiyal na aspeto ng kanyang buhay at sa marami at iba-ibang negosyo ng kanyang sanga-sangang pamilya.

Halimbawa, sa kanyang statements of assets, hindi idineklara ni Estrada ang kanyang partisipasyon sa 12 kumpanya kung saan siya at ang kanyang asawa, si Dr. Luisa "Loi" Ejercito, ay major investors at board members. Hindi rin maliwag sa nasabing asset declarations kung gaano kalaki ang interes ng Pangulo at ng kanyang mga pamilya sa mga negosyong pinasok nila.

Nakakuha at pinag-aralan ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ang corporate records ng 66 kumpanya kung saan si Estrada at ang kanyang mga asawa at mga anak ay tumatayong incorporators o board members.

Tatlumpu't isa sa mga kumpanyang ito ay itinatag noong bise-presidente pa lamang si Estrada samantalang 11 naman ang itinayo nang siya ay nasa Malacañang na.

Maraming kumpanya
Ang 66 na kumpanya ay may authorized capital na P893.4 milyon nang i-register sa Securities and Exchange Commission (SEC). Ang Pangulo at ang miyembro ng kanyang pamilya ay may shares na nagkakahalagang P121.5 milyon, kung saan P58.6 milyon ay kanilang binayaran nang binuo ang mga kumpanya.

Hindi kumpleto ang data ng SEC kaya't hindi maliwanag kung gaano na kalaki ang mga negosyong pinasok ng mga Estrada. Pero base sa 1998 at 1999 financial statements, 14 sa 66 kumpanya ay may assets na nagkakahalaga na ng higit P600 milyon.

Hindi maliwanag sa asset declarations ni Estrada sa nakaraang 12 taon kung saan nanggaling ang perang ipinasok ng Pangulo at ng kanyang mga pamilya sa 66 korporasyon.

Hindi rin sinasabi ng Pangulo at ng kanyang mga pamilya na karamihan sa kanilang mga negosyo ay may kinalaman sa gobyerno-sa pagkuha ng mga permit at clearance o di kaya ay sa paggawad ng mga kontrata.

Isyu sa SONA
Sa ikalawang State of the Nation Address ng Pangulo ngayon, nararapat lamang na magbigay din siya ng ulat tungkol sa pinanggagalingan ng panggastos niya at ng kanyang mga pamilya.

Ito ay isang importanteng isyu dahil sa marangyang pamumuhay ng sanga-sangang pamilya ng Pangulo.

Ang dalawa sa kinakasama ni Estrada-sina Laarni Enriquez at Joy Melendrez-ay nakatira sa first-class subdivisions sa Wack-Wack, Mandaluyong City, at Green Meadows, Quezon City.

Ang mga bahay na tinutuluyan nina Enriquez at Melendrez ay wala sa pangalan nila o ng Pangulo.

Ang mga asawa ni Estrada at ang kanyang mga anak ay madalas ding makita na sakay ng iba't ibang imported at mamahaling kotse, kabilang dito ang Jaguar, Range Rover at di mabilang na Mercedes Benzes na nagkakahalaga ng milyong piso bawat isa.

Saan galing?
Hindi kayang ipaliwanag ng statement of assets at ng kasalukuyang income tax declaration ni Estrada kung paano niya nasusustentuhan ang maluhong pamumuhay ng kanyang mga mahal sa buhay.

Noong 1999, ang idineklarang net worth ng Pangulo ay P35.8 milyon samantalang ang net income na nakalagay sa kanyang income tax return ay P2.3 milyon lamang.

Sa Wack-Wack, ang presyo ng lupa ay nagkakahalaga sa kasalukuyan ng P40,000 per square meter. Ang address ng bahay na tinitirahan ni Enriquez simula pa noong kalagitnaan ng 1990s ay 771 Harvard St. Ang bahay-na nakatirik sa loteng higit 1,000 square meters-ay nasa pangalan ni Jacinto Ng Sr., isa sa mga malapit na kaibigan ng Pangulo.

Ang lote pa lamang ng tinitirhan ni Enriquez ay higit P40 milyon na. Ang upa sa isang bahay sa Wack-Wack ay umaabot ng higit P100,000 kada buwan o P1.2 milyon isang taon-halos kalahati ng idineklarang net income in Estrada noong 1999.

Pag-aari ni Ng
Nang mapunta ang PCIJ sa Wack-Wack kamakailan, kinukumpuni ang bahay ni Enri-quez. Ilang buwan lamang ang nakararaan nang napabalitang nagpapagawa si Enriquez ng isang mansiyon sa loob din ng Wack-Wack.

Ang ipinagagawang bahay na may address na 796 Harvard St. ay may 5,000 square meters na lote at nakapangalan sa KB Space Holdings, isang kumpanya na pag-aari ni Ng.

Sa kaso pa lamang ng bahay na tinitirhan ni Enriquez, maliwanag na ang opisyal na record ng pag-aari at income tax return ng Pangulo ay hindi nagbibigay ng tunay na kalagayan ng yaman ng mga Estrada.

Ngunit hindi lamang ito ang problema sa opisyal na deklarasyon ng pinansiyal na katayuan ng Pangulo.

Statement of assets
Sa ilalim ng R.A. 6713, kailangang mag-file ang lahat ng opisyal ng pamahalaan ng tungkol sa estado ng kanilang mga lupain-kung magkano nabili, kung ano ang kasaluku-yang halaga at kung magkano maaaring ipagbili.

Bukod dito, kailangan ding magsumite ang mga opisyal ng listahan ng lahat ng kanilang ari-arian, investments, cash, pera sa bangko, anumang pagkakautang at lahat ng negosyo na kanilang pinasukan.

Simula nang manalo bilang senador noong 1987, aapat na korporasyon ang inaamin ni Estrada na pag-aari niya. Ito ay ang JELP Real Estate Development Corp., J. E. Inc., Feluisa Development Corp. at Felt Food Inc. Ang unang tatlo ay real estate firms kung saan ang JELP ay ang pinakamalaki.

Sa 1998 financial statement na isinumite sa SEC, ang JELP ay nagdeklara ng assets na P194.2 milyon-mga building at real estate na nagkakahalaga ng P147.2 milyon. Ang real estate assets ng JELP noong 1997, base sa financial statement nito sa SEC, ay P58.8 milyon lamang.

Wala sa listahan
Ni isa sa assets ng JELP ay hindi isinama ng Pangulo sa kanyang asset declaration at income tax, kahit na 70% ng JELP shares ay pag-aari niya at ng kanyang asawa.

Kahit ang pagkakautang ng JELP na umaabot sa P188 milyon ay hindi rin inilista sa asset statements ng Pangulo. Malamang na ang inutang ng JELP ay ginamit na pambili ng real property na nagkakahalaga ng halos P90 milyon noong 1998 lamang.

Para sa mga pangkaraniwang Pilipino, magandang malaman kung anu-anong bangko, institusyon o sinu-sinong mga tao ang nagpahiram ng pera kay Estrada noong eleksiyon.

Binuo noong Nob. 18, 1992, ilang buwan matapos manalo si Estrada bilang bise presidente, ang JELP ay nag-umpisang tumakbo nang may paid-up capital na P14.4 milyon-P3 milyon lamang ang cash dito. Hindi alam kung paano napalaki ng kumpanya ang asset base rito o paano nito napondohan ang pamimili ng lupain mula 1993 hanggang 1996 dahil hindi nag-file ng financial statement taun-taon ang JELP tulad ng ipinag-uutos ng SEC.

Noon lamang 1997, isang taon bago kumandidato para sa pagka-presidente si Estrada, nang biglang mag-file ng financial statements ang JELP. Nang panahong iyon, iniulat ng kumpanya na may assets na itong nagkakahalagang P116.3 milyon-kung saan P58.8 milyon dito ay real property.

Makalipas ang isang taon, nang nasa Malacañang na si Estrada, ang assets ng JELP ay nagkakahalaga na ng P194.2 milyon-tumaas ng P78 milyon kahit pa nagkaroon ng Asian currency crisis at bumagsak ang presyo ng real estate. Sa mga assets na ito, P147.2 milyon ay real property

Click here for more!



us your views and comments
about this article.

Google

Web pcij.org

Search our Site
 
       
powered by FreeFind